Ebanghelyo: Lucas 6,12-19
Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. nag-umaga na, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito: si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo. Pagkababa kasama nila, tumigil si Jesus sa isang atag na lugar. Naroon ang maraming alaad niya, at napakarami ring tao mula sa buong Judea at Jerusalem at mula sa baybaying dako ng Tiro at Sidon ang dumating para making sa kanya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Gumaling din ang mga pinahihirapan ng masasamang espiritu. Kayat sinikap ng lahat ng tao ng mahipo siya dahil may kapangyarihang lumalabas sa kanya, na nagpapagaling sa lahat.
Pagninilay:
Kahit anong estado ng ating buhay, mapa-estudyante o manggagawa, single o may-asawa, bata o matanda, lahat tayo ay kinakailangang magdesisyon. Kadalasan, ang mga desisyong ito’y matindi ang kahulugan at nagpapabago sa ating buhay. Tulad ng pangigibang-bansa para maghanap-buhay, ang pagre-resign, ang pagkuha ng ibang kurso, ang pagpili ng mapapangasawa, at marami pang iba. Ang tanong: paano ka nagdedesisyon?
Kung tayo minsan ay hindi makatulog sa pag-iisip kung ano ang gagawin, panatag naman si Hesus sa kanyang pagdedesisyon. Ang sikreto? Panalangin. Magkasama sila ng Diyos Ama sa paghirang ng kanyang labindalawang alagad. Kaya naman kitang-kita ang agad nilang paglusong sa misyon dahil batid nilang ito ang kalooban ng Ama.
Mga kapanalig/kapatid, tuwing binabagabag tayo ng ating isip at puso sa kung anong desisyon ang kailangan nating gawin, idulog natin ito sa Panginoon upang maipakita Niya ang Kanyang kalooban para sa atin. Kung ang nais ng Diyos ang inuuna natin, siguradong para sa ating ikabubuti ang kinabukasang tatamasahin. Maging ang mga akala nating mga balakid ay magiging biyaya, kung sa awa ng Diyos tayo laging aasa.
Kaya naman sa mga pagkakataong hindi tayo pinapatulog ng ating pagdedesisyon, mamahinga tayo sa piling ng Diyos sa panalangin at tiyak na matutupad ang mga pangarap Niya para sa atin. Kung ang nais ng Diyos ang inuuna natin, siguradong para sa ating ikabubuti ang kinabukasang tatamasahin.