Lk 15-1-32
Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Tinanggap niyan ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila:
“Kung may sandaang tupa ang isa sa inyo at mawala ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang para hanapin ang nawawala hanggang matagpuan niya ito? At pag natagpuan ito’y masaya niya itong pinapasan sa balikat, at pagdating sa bahay ay tatawagin niya ng mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa.’ Sinasabi ko sa inyo: magkakaroon din ng higit na kagalakan sa langit para sa isang makasalanang nagsisisi kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na di nangangailangan ng pagsisisi.
Kung may sampung baryang pilak ang isang babae at nawala ang isa sa mga ito, hindi ba siya magsindi ng ilaw, magwawalis sa bahay at hahanaping mabuti hanggang matagpuan ito? At pagkakita rito’y tatawagin ang mga kaibigang babae at mga kapitbahay: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natapuan ko ang nawawala kong baryang pilak.’ Sinasabi ko sa inyo na ganito rin sa mga anghel ng Diyos, magkakaroon ng kagalakan para sa isang makasalanang nagsisisi.”
“May isang taong may dalawang anak na lalaki. Sinabi ng bunso sa kanyang ama: 'Itay, ibigay n'yo na sa akin ang parte ko sa mana.' At hinati sa kanila ng ama ang ari-arian.
“Pagkaraan ng ilang araw, tinipon ng bunsong anak ang lahat ng kanya at naglakbay sa malayong lupain. Doon niya winaldas ang sa kanya sa maluwag na pamumuhay. Nang maubos na ang lahat sa kanya, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing 'yon at nagsimula siyang maghikaos. Kaya pumunta siya at namasukan sa isang tagaroon, at inuutusan siyang mag-alaga ng mga baboy sa bukid nito. At gusto sana niyang punuin kahit na ng kaning-baboy ang kanyang tiyan pero wala namang magbigay sa kanya.
“Noon siya natauhan at nag-isip: 'Gaano karaming arawan sa bahay ng aking ama na labis-labis ang pagkain at namamatay naman ako dito sa gutom. Titindig ako, pupunta sa aking ama, at sasabihin ko sa kanya : 'Itay, nagkasala ako laban sa lamgit at sa harap mo. Hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo; ituring mo na akong isa sa iyong mga arawan.'
Kaya tumindig siya papunta sa kanyang ama. Malayo pa siya nang matanaw ng kanyang ama at naawa ito, patakbo nitong sinalubong ang anak, niyakap at hinalikan. Sinabi sa kanya ng anak: 'Ama nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo; hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo.'
“Pero sinabi ng ama sa kanyang mga utusan: 'Madali, dalhin n'yo ang dati niyang damit at ibihis sa kanya; suutan ninyo ng sinsing ang kanyang daliri at ng sapatos ang kanyang mga paa. Dalhin at katayin ang pinatabang guya, kumain tayo at magsaya sapagkat namatay na ang anak kong ito at nabuhay, nawala at natagpuan.' At nagsimula silang magdiwang.
Nasa bukid noon ang panganay na anak. Ng pauwi na siya at malapit na sa bahay, narinig niya ang tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isa sa mga utusan at tinanong kung ano ang nangyari. Sinabi nito sa kanya : 'Nagbalik ang kapatid mo kaya ipinapatay ng iyong ama ang pinatabang guya dahil nabawi niya siyang buhay at di naano.'
“Nagalit ang panganay at ayaw pumasok kaya lumabas ang ama at nakiusap sa kanya. Sumagot naman siya sa ama: 'Maraming taon na akong nagsisilbi sa inyo at kailanma'y di ko nilabag ang inyong mga utos pero kailanma'y di ninyo ako binigyan ng kahit na isang kambing na mapagpipiyestahan namin ng aking nga kabarkada. Ngunit dumating lamang ang anak ninyong ito na lumustay sa inyong kayamanan sa mga babaeng bayaran, at ipinakatay n'yo pa ang pinatabang guya.'
Sinabi sa kanya ng ama: 'Anak, lagi kitang kasama at sa iyo rin ang lahat ng akin. Pero dapat lamang na magdiwang at magsaya dahil namatay na ang kapatid mo at nabuhay, nawala at natagpuan' .”
REFLECTION
Sa Ebanghelyong ating narinig, ang mapagmahal at mapagpatawad na Diyos ang sinasagisag ng “pastol,” ng “babae” at ng “ama” sa Ebanghelyong ating narinig. Ibinabahagi ni Jesus ang talinhagang ito upang ipamukha sa mga Pariseo at eskriba na ang Diyos puspusang naghahanap at inaabot lahat ng mga makasalanan. Ito ang tugon ni Jesus sa batikos nilang nakikipagmabutihan siya sa mga makasalanan. Mga kapatid, sa pakikitungo natin sa Diyos tandaan nating tayo’y mga anak na hindi na Niya hahayaang malubog sa pagkakasala. Sa panahong maligaw tayo ng landas, hahanapin Niya tayo sa unang araw pa lamang na mawaglit tayo sa Kanyang paningin. Sa oras na matagpuan Niya tayo, patawad at pag-ibig ang alok Niya sa atin. Sa kabila ng paulit-ulit nating pagkakasala, hindi Siya nagbabago, nananatili Siyang nagpapatawad at nagmamahal. Manalangin tayo. Panginoon, taos-puso po akong nagpapasalamat sa walang-hanggang pag-ibig Mo sa akin. Kasihan Mo nawa ako ng Iyong Banal na Espiritu nang maiwasan kong magkasala sa hinaharap at mamuhay akong kalugod-lugod Sa’yo. Amen.