EBANGHELYO: Lk 6:43-49
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno nama’y hindi makapamumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat puno sa bunga nito. Hindi makapipitas ng igos mula sa tinikan ni makaaani ng ubas mula sa dawagan. Naglalabas ang taong mabuti ng mabuting bagay mula sa yaman ng kabutihan sa kanyang puso; ang masama nama’y naglalabas ng masamang bagay mula sa kanyang kasamaan. At umaapaw nga mula sa puso ang sinasabi ng bibig. Bakit pa ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon, Panginoon,’ pero hindi ninyo naman tinutupad ang aking sinasabi? Ilalarawan ko sa inyo ang lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at tumutupad nito. May isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay ng malalim at sa batuhan inilagay ang mga pundasyon. Pagdating ng baha, hinampas ng agos ang bahay na iyon subalit wala itong lakas para yanigin iyon sapagkat mabuti ang pagkakatatag niyon. At kung may nakikinig ngunit di naman nagsasagawa, matutulad siya sa nagtatayo ng bahay sa ibabaw ng lupa na wala namang pundasyon. Hinampas ito ng agos at kaagad bumagsak. Anong laki ng pagkawasak ng bahay na iyon!”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Ma. Janice Golez ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo. Gaano katatag ang pundasyon ng buhay mo? Sinasabi sa Mabuting Balita ngayon na matibay ang pundasyon ng isang tao kung sya ay lumalapit, nakikinig at tumutupad sa mga salita ng Panginoon. Lumalago tayo sa ating pananampalataya kay Kristo kung tayo ay nakikinig nang lubusan at personal na nakikipag-ugnayan sa Kanya. Nagiging ganap lamang ito kung naisasabuhay natin ang pagmamahal, kabutihan at paglilingkod sa kapwa na turo Nya. Sinasabi din ng Panginoon na kung ano ang nasa puso ng tao ay ipinahahayag ito sa kanyang salita o gawa. Mga kapatid, ito ang sukatan ng ating pagiging Kristiyano. Obvious ba na tayo ay mga tagasunod ni Kristo? Kung tayo ay nahaharap sa pagsubok at hamon ng buhay, natitinag din ba tayo? Nagbabago ba ang ating ugali at pakikitungo sa kapwa kung tayo ay nasa gitna ng unos ng buhay? Habang ang mga ito ay natural na reaksiyon bilang tao, nawa’y maglakas-loob tayong bumalik sa ating pundasyon bilang Kristiyano—ang ating personal na pakikipag-ugnayan kay Kristo. Alalahanin natin, kung si Kristo ang ating panulukang-bato, di tayo matitinag o magigiba.