Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 11, 2023 – LUNES SA IKA-23 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON           

BAGONG UMAGA

Isang masigla at puno ng pag-asang araw ng Lunes kapatid kay Kristo.  Salubungin natin ang panibagong araw, panibagong Linggo nang may puspos ng pasasalamat at kagalakan sa walang hanggang pagkalinga ng Diyos sa atin. Ihabilin natin sa Kanya ang mabubuting hangarin natin para sa araw na ito, at hilinging pangunahan tayo sa pagtupad ng ating mga tungkulin. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Panawagang pag-ibig ang pairalin/ kaysa istriktong pagpapatupad sa anumang Batas, ang hamon ng Mabuting Balitang maririnig natin ayon kay San Lukas kabanata anim, talata anim hanggang labing-isa.  

EBANGHELYO: Lk 6:6-11

Sa iba namang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. May isang lalaki na hindi maigalaw ang kanang kamay. Pinagmamasdan siya ng mga guro ng Batas at mga Pariseo, at baka pagalingin ito ni Jesus sa Araw ng Pahinga at nang maisakdal nila siya. Ngunit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa lalaking hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka’t  tumayo sa gitna.” Tumindig nga ito at tumayo roon. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Matanong ko nga kayo: ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” Tiningnan niya silang lahat sa paligid at sinabi sa tao: “Iunat mo ang iyong kamay.” Ginawa niya ito at gumaling ang kanyang kamay. Galit na galit naman sila at magkakasamang nag-usap-usap kung ano ang magagawa nila kay Jesus.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Mga kapatid, nagpapakita ang Mabuting Balita ngayon, ng matatag at makaamang pagtutuwid o (firm fraternal correction) sa mga eskriba at mga Pariseo. Pagtutuwid na patungkol sa paggawa ng mabuti at masama. Naalala ko tuloy ang Tatay namin noon, na kapag kami ay napapagalitan, sinasabi niya ang dahilan. Ipinapaalam sa amin, kung ano ang mabuti at masama. Kumbaga, bahagi ng disiplina ng Tatay at Nanay, na turuan kaming pag- isipan ang mga bagay na gagawin namin – kung makabubuti ba ito o makasasama sa amin. Sa Mabuting Balita ngayon, binabantayan ng mga eskriba at mga Pariseo ang Panginoong Hesus, kung magpapagaling sa araw ng pamamahinga. Dahil ayon sa kanilang batas at tradisyon, dapat igalang at huwag gumawa sa araw ng pamamahinga. Para sa kanila, kahit ang pagpapagaling ay ipinagbabawal sa araw ng pamamahinga. Narinig natin na hindi nagpasakop sa panghuhusga ang ating Panginoong Hesus. Sa halip, tuwiran Niyang pinagaling ang may sakit. Mga kapatid, ang pag-ibig at habag ng Panginoong Hesus, ay lampas at higit sa anumang utos o batas. Inaanyayahan tayo ng Mabuting Balita na magnilay, suriin ang ating sarili kung tumutugon tayo sa paanyayang ito. Huwag sana tayong maging bilanggo sa mga batas at utos.  Maging pangunahin nawa nating batas, ang pagmamahal at pagtulong sa kapwa. Araw- araw nawa ay maging daluyan tayo ng pagpapala at pag-ibig ng Diyos. Walang hihigit pa sa taong nililimot ang sarili, alang – alang sa kanyang kaibigan.  

PANALANGIN

Panginoong Hesus, tulungan Mo po kaming magkaroon ng malinaw na isipan, upang ang aming gagawin ay naaayon sa Iyong banal na kalooban. Bigyan Mo po kami ng pusong maawain sa aming kapwa, at turuang huwag humusga. Maging tapat nawa kami sa gawaing, niloob mong aming magampanan. At pasiglahin ang aming Espiritu sa pamamagitan ng Iyong Banal na Salita. Amen.