Ebanghelyo: LUCAS 6,20-26
Tumingala si Jesus sa kanyang mga alagad at sinabi: “Mapapalad kayong mga dukha sapagkat sa inyo ang Kaharian ng Diyos. Mapapalad kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat bubusugin kayo. Mapapalad kayong mga umiiyak ngayon, sapagkat tatawa kayo. Mapapalad kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at itinatakwil at iniinsulto, at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at lubos na magalak sa araw na iyon sapagkat malaki ang inyong gantimpalang nasa Diyos; gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa Mga Propeta. Ngunit sawimpalad kayong mayayaman sapagkat tinatamasa na ninyo ang inyong ginhawa! Sawimpalad kayong mga busog ngayon, sapagkat magugutom kayo. Sawimpalad kayong humahalakhak ngayon sapagkat magluluksa kayo’t iiyak! Sawimapad kayo kapag pinag-uusapan kayo nang mabuti ng lahat ng tao ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.”
Pagninilay:
Napakinggan natin sa Mabuting Balita ngayon ang version ni San Lucas ng Beatitudes. Sa version na ito, mapapansin natin na sa bawat pagpapala ay may katapat na parang sumpa. Bakit? Galit ba si Jesus sa mayayaman, sa mga busog, sa mga tumatawa at pinupuri ng kapwa? Ikinatutuwa ba ng Diyos kapag nakikita Niya tayong naghihirap, nagugutom, umiiyak at kinasusuklaman ng mundo o iniinsulto ng mga tao? Anong klaseng Diyos ang ating sinasamba kung magkagayon? Mahalagang maunawaan natin ang tunay na mensahe nito upang higit din nating makilala ang Diyos.
Kapanalig, ang bawat biyayang ating natanggap mula sa Diyos ay hindi lamang para sa atin. Para rin ito sa ating kapwa. Kaya mapalad ang mga dukha, nagugutom at umiiyak dahil sila ang tatanggap ng pagbabahagi ng mga higit na nakagiginhawa sa buhay. Mapalad ang mga inuusig at kinapopootan dahil sa pagsunod sa utos ng Diyos sapagkat okasyon itong manindigan para sa pananampalataya. Mahirap itong gawin kaya ang mga taong malalapit lamang sa Diyos ang nakagagawa nito. At naaakay sa buhay kabanalan ang sinumang nagsisikap isabuhay ang mga utos na ito ni Jesus.
Kapanalig, sa palagay ko hindi galit si Jesus sa mayamang marunong tumulong sa dukha. At lalong hindi sadista ang Diyos na tumatawa kapag nakikita tayong naghihirap. (Galit si Jesus sa) Sawimpalad ang taong makasarili, manhid sa paghihirap na iba at walang pakialam sa mga nagdurusa basta masaya, busog at maginhawa sya sa buhay niya. Kapatid/Kapanalig, inaanyayahan tayo ng Mabuting Balita ngayon na maging bukas-palad at daluyan ng biyaya sa bawat isa upang tayong lahat ay pagpalain, mahirap man o mayaman.