Lk 7:1-10
Nang maituro ni Jesus sa mga tao ang lahat ng ito, siya’y pumasok ng Capernaum. Doo’y may isang kapitang Romano na may aliping mahal sa kanya. Maysakit ang aliping ito at nasa bingit ng kamatayan. Nang mabalitaan ng kapitan ang ginagawa ni Jesus, nagpasugo siya ng ilang matatanda sa mga Judio upang ipakiusap kay Jesus na puntahan at pagalingin ang alipin. Nang Makita nila si Jesus, taimtim silang nakiusap sa kanya. “Siya’y karapat-dapat na pagbigyan ninyo, sapagkat mahal niya ang ating bansa,” wika nila. “Ipinagpatayo pa niya tayo ng isang sinagoga.” Kaya’t sumama sa kanila si Jesus. Nang malapit na siya sa bahay, ipinasalubong siya ng kapitan sa kanyang mga kaibigan at ipinasabi ang ganito: “Ginoo, huwag na po kayong magpakapagod. Hindi ako karapat-dapat na puntahan ninyo sa aking tahanan. Ni hindi rin po alo karapat-dapat na humarap sa inyo. Ngunit magsalita po lamang kayo at gagaling na ang aking alipin. Sapagkat ako’y isang taong nasa ilalim ng mga nakatataas na pinuno, at may nasasakupan din po akong mga kawal. Kung sasabihin ko sa isa, ‘Humayo ka! Siya’y hahayo; at sa iba, ‘Halika, at siya’y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ito’y ginagawa niya.” Namangha si Jesus nang marinig ito, at humarap sa makapal na taong sumusunod sa kanya. Sinabi niya, “Kahit sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganito kalaking pananalig.” Pagbalik sa bahay, naratnan ng mga sinugo na magaling na ang alipin.
REFLECTION
Mga kapatid, kahanga-hanga ang malasakit na ipinakita ng kapitan sa kanyang katulong na naghihingalo. Ginawa niya ang lahat ng paraan upang maanyayahan si Jesus na pagalingin ang kanyang katulong. Tunay na nalugod si Jesus sa kanyang pananalig at marahil din sa kanyang malasakit sa katulong at sa kanyang kababaang-loob. Dalawang bagay ang makikita natin sa pagpapagaling ni Jesus. Una, inaanyayahan niyang sumampalataya at umasa sa Kanya ang taong humihingi ng pagpapagaling. Ikalawa, walang siyang itinatangi sa kaligtasan, lahat tinatawag at inaanyayahan. Sa isang banda, nagpapaalala ito sa walang-hanggang pagmamahal ng Diyos sa bawat isa sa atin. Sa kabilang banda, nangangailangan ito ng ating kapakumbabaan upang manikluhod ang katawan, diwa, at kalooban sa harap ng Diyos upang aminin na kung wala Siya, wala tayong magagawa. Kapatid, sa buhay mo ngayon nakikita Mo ba ang Panginoon sa mga hamak na taong naglilingkod sa’yo? Pinapakitaan mo rin ba sila ng malasakit sa tuwing sila’y nagkakasakit at lubos na nangangailangan ng tulong?