Daughters of Saint Paul

Setyembre 12, 2017 MARTES sa Ika-23 Linggo ng Taon

 

1 Col. 2:6-15 Slm 145:1b-2, 8-9, 10-11 Lk 6:12-19

Lk 6:12-19

Umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. Nang nag-umaga na, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: Si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo.

Pagkababa kasama nila, tumigil si Jesus sa isang patag na lugar. Naroon ang maraming alagad niya, at napakarami ring tao mula sa buong Judea at Jerusalem at mula sa baybaying dako ng Tiro at Sidon ang dumating para makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Gumaling din ang mga pinahihirapan ng masasamang Espiritu. Kayat sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya dahil may kapangyarihang lumabas sa kanya, na nagpapagaling sa lahat.

PAGNINILAY

Ano nga ba ang nasa pangalan at sinasabing napakatamis sa pandinig ng isang tao ang tawagin sa kanyang pangalan? Bakit naglaan ang Simbahan ng espesyal na araw para ipagdiwang ang Kabanal-banalang pangalan ni Maria?  Mga kapatid, ang ating pangalan ang nagiging daan para makilala tayo ng ibang tao,  at para makilala din naman natin ang ibang tao.  Ito ang nagbubukas ng pinto para sa ating pakikipag-ugnayan sa kapwa. Sa pagdiriwang natin ngayon ng kabanal-banalang pangalan ni Maria, binibigyang halaga nito ang kapangyarihang nakakabit sa kanyang pangalan.  Madalas kapag tayo’y nagdarasal, tinatawag natin ang kanyang pangalan – dumudulog at humihiling, na sa kanyang pamamagitan ipaparating Niya sa Diyos ang ating mga kahilingan.  Si Maria ang pinakadakilang tagapamagitan natin sa Diyos.  Hindi lamang siya Ina, na nagsilang sa Anak ng Diyos; kundi Ina rin siya ng lahat ng Anak ng Diyos.  Mga kapatid, katulad ng pagtawag ng Panginoong Jesus sa labindalawang alagad na narinig natin sa Ebanghelyo, tayo din, kanyang tinatawag sa ating pangalan na maging tagasunod niya; na maging buhay na saksi ng Kanyang pananatili sa kasalukuyang mundo; na maging Jesus sa ating kapwa. Hindi tayo makatutugon sa Kanyang tawag kung hindi tayo dudulog sa Kanyang ina, na Siyang ating tulay at daan tungo sa kanyang Anak.  Kaya sa pamamagitan ng Kabanal-banalang pangalan ni Maria, hilingin natin sa Diyos ang biyayang ito.