EBANGHELYO: LUCAS 6:27-38
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sinabi ko sa inyong mga nakikinig: mahalin n’yo ang inyong mga kaaway, gawan n’yo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ang mga sumusumpa sa inyo, ipagdasal ang mga tumatrato sa inyo ng masama. Sa sumasampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Sa umaagaw ng iyong kamiseta, huwag mong itanggi ang iyong sando. Magbigay ka sa sinumang humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang hingin pa uli. Kaya gawin n’yo sa mga tao ang gusto ninyong gawin nila sa inyo. Kung minamahal ninyo ang mga umiibig sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Minamahal din ng mga makasalanan ang mga nagmamahal sa kanila. Kung ginagawa ninyo ang mabuti sa mga gumagawa nito sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Iyon din ang ginagawa ng mga makasalanan. Kung nagpapautang kayo sa sa mga inaasahan ninyong makapagbabayad, ano ang kahanga-hanga roon? Nagpapautang din ang mga makasalanan sa mga makasalanan para matanggap ang katumbas. Sa halip ay mahalin n’yo ang inyong mga kaaway; gumawa kayo ng mabuti at magpautang na walang inaasahang anuman. Kaya gagantimpalaan kayo ng malaki at magiging mga anak ng Kataas-taasan dahil butihin siya sa mga walang-utang-na-loob at masasama. Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain. Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag n’yong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan—isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang ibubuhos nila sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”
PAGNINILAY:
Para sa akin, sa lahat ng kabanata ng Ebanghelyo, ito na yata ang pinakamahirap tanggapin at intindihin. Kasi, paano mo ba naman mamahalin ang kaaway na nanakit sa iyo? Paano ka magiging mahinahon at mabait kung inaabuso at inaapi ka na? Hindi ba ang normal na reaksyon natin, magalit at gumanti? Pero bilang mga Kristiyano, hindi po tayo tinawag maging normal, kundi tinawag tayong maging banal. Umunawa, Magpatawad, Maging Mahinahon – mga katangiang makakamit lang natin kung tayo’y may malalim na pananampalataya at pakikipag-ugnayan sa Diyos. Kung aasa lang tayo sa sarili nating kakayanan, imposibleng umabot tayo sa puntong mamahalin natin ang ating mga kaaway kaya buong kababaang-loob tayong manalangin. -Vhen Liboon
PANALANGIN:
Panginoon, umaasa kami sa iyong grasya, maging lakas ka nawa namin sa aming mga kahinaan at palitan mo ng pag-ibig ang poot na aming nararamdaman. Amen.