EBANGHELYO: Mk 8:27-35
Pumunta si Jesus kasama ang kanyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea ni Filipo. At habang nasa daa’y tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Sino raw ako ayon sa mga tao?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o isa sa Mga Propeta kaya.” At tinanong niya sila: “Ngunit ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” At sumagot si Pedro: “Ikaw ang Mesiyas.” At inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang tungkol sa kanya. At sinimulan niyang ituro sa kanila na kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon pagkatapos ng tatlong araw. At buong tapang siyang nagsalita. Dinala naman siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulan siyang pagsabihan. Ngunit pagtalikod ni Jesus, nakita niya na naroon din ang kanyang mga alagad. Kaya pinagsabihan si Pedro: “Sa likod ko, Satanas! Hindi sa Diyos galing ang iniisip mo kundi mula sa tao.” Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad pati na ang mga tao, at sinabi: “Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan nito alang-alang sa akin at sa ebanghelyo ang magliligtas nito.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Micha Miguel Competente ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. (Marami tayong gustong gawin sa buhay. Marami tayong planong nais maisakatuparan. Pero papaano kung hindi ito nasusunod o natutupad? Magtatampo ka ba, malulungkot o kaya magagalit?) Sa ebanghelyo, hindi inaasahan ni Pedrong magsasalita si Hesus tungkol sa kanyang haharaping pagdurusa, pagkamatay at muling pagkabuhay. Para kay Pedro hindi ito ang kanyang inaasahan dahil ang nasa isip niya, si Hesus bilang Kristong maluwalhati, matagumpay at makapangyarihan. Papaano na ang mga plano niya kung ganito ang mangyayari kay Hesus?// Mga kapatid, minsan tulad din tayo ni Pedro, maraming bagay ang inaasahan natin pero taliwas o hindi nangyayari. Marami tayong gusto at plano sa buhay pero naitatanong ba natin sa ating mga sarili, “Gusto rin ba ito ng Diyos? Hindi masama ang magplano o maghangad para ating buhay. Ang mahalaga handa tayong tanggapin ang mga plano ng Diyos para sa atin. Kung nais nating mapasaatin ang kaharian ng Diyos, sundin natin ang kanyang kalooban dito sa lupa para tayo ay mapunta sa langit. Pero, palagi nating tatanungin ang ating mga sarili, “Ito ba ay kalooban ng Diyos? O kalooban ko lang?”