Ebanghelyo: LUCAS 6,27-38
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinabi ko sa inyong mga nakikinig: mahalin n’yo ang inyong mga kaaway, gawan n’yo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ang mga sumusumpa sa inyo, ipagdasal ang mga tumatrato sa inyo ng masama. Sa sumasampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Sa umaagaw ng iyong kamiseta, huwag mong itanggi ang iyong sando. Magbigay ka sa sinumang humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang hingin pa uli. Kaya gawin n’yo sa mga tao ang gusto ninyong gawin nila sa inyo. Kung minamahal ninyo ang mga umiibig sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Minamahal din ng mga makasalanan ang mga nagmamahal sa kanila. Kung ginagawa ninyo ang mabuti sa mga gumagawa nito sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Iyon din ang ginagawa ng mga makasalanan. Kung nagpapautang kayo sa sa mga inaasahan ninyong makapagbabayad, ano ang kahanga-hanga roon? Nagpapautang din ang mga makasalanan sa mga makasalanan para matanggap ang katumbas. Sa halip ay mahalin n’yo ang inyong mga kaaway; gumawa kayo ng mabuti at magpautang na walang inaasahang anuman. Kaya gagantimpalaan kayo ng malaki at magiging mga anak ng Kataas-taasan dahil butihin siya sa mga walang-utang-na-loob at masasama. Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain. Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag n’yong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan—isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang ibubuhos nila sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”
Pagninilay:
Mga kapanalig/mga kapatid, matindi ang bungad ng mga salita ni Jesus ngayon: “Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo.” Kaya ba natin ito? Paano ba magmahal ng kaaway? Sa taong nagdulot ng hindi-mawaring sama ng loob sa ‘yo? Idalangin ang mga napopoot sa atin? Grabe naman si Jesus, sobrang challenging ng hinihingi niya.
*Hindi makapaniwala ang mga kamag-anak ni Annie nang makita siyang nag-aalaga ng anak ng kanyang asawa sa ibang babae. Hindi nagka-anak si Annie at maagang namatay ang naging karelasyon ng kanyang asawa matapos ipanganak ang bata. Nagpupuyos ang galit ng mga kaanak ni Annie lalo na’t ang tawag ng bata sa kanya ay Mama Annie na. Mahinahong nagpaliwanag si Annie, “Ito na ang pagkakataong ibinigay ni Jesus upang isabuhay ko ang kanyang salita. Hindi madali. Maraming luha at gabing walang tulog dahil sa sama ng loob. Ngunit hindi ako pinabayaan ni Jesus. Siya ang naging lakas ko upang makapagpatawad, at magmahal muli.”
Bukas po gaganapin ang Traslacion ng Mahal na Ina ng Peñafrancia sa Naga. Opo, mga kapanalig/ mga kapatid, sa panalangin ni INA, maisasabuhay rin natin ang bilin ni Jesus (sapagkat tunay na isinabuhay ng Mahal na Ina ang makapangyarihang salita ni Jesus.) Sa paanan ng krus ipinakita ng Mahal na Ina ang kahulugan ng pagmamahal sa mga nagpahirap sa kanyang anak, kasama tayong nagsisuway kay Jesus. Hilingin nating matularan natin si Maria, ang ating Ina. Manalig tayo na sa tulong ni INA, hilumin nawa ni Jesus ang sugat sa ating mga puso, at tanggapin natin ang handog niyang kapangyarihang magpatawad at magmahal muli.