Lk 7:11-17
Pumunta si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain at sinamahan siya ng kanyang mga alagad kasama ang maraming tao. Habang papalapit siya sa pintuan ng bayan, tamang-tama namang inilalabas ang isang patay-ang nag-iisang anak na lalaki ng kanyang ina, at ito’y isang biyuda kaya sinamahan siya ng di kakaunting tao mula sa bayan. Pagkakakita sa kanya, nahabag sa kanya ang Panginoon at sinabi: “Huwag ka nang umiyak.” Lumapit siya at hinipo ang kabaong; tumigil naman ang mga maydala. At sinabi niya: “Binata, iniutos ko sa iyo, bumangon ka!” Umupo nga ang patay at nagsimulang magsalita; at ibinigay siya ni Jesus sa kanyang ina. Nasindak ang lahat at nagpuri sa Diyos, at sinabi: “Lumitaw sa atin ang isang dakilang Propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan.” Kayat kumalat ang balitang ito tungkol sa kanya sa buong lupain ng mga Judio at sa lahat ng karatig na lupain.
REFLECTION
Ang ginawa ni Jesus sa ebanghelyong ating narinig, ulirang halimbawa ng buhay-Kristiyano – buhay na may pag-ibig na ipinahahayag ng habag sa mga nagdurusa. Dahil sa pag-ibig na ito kaya isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak na si Jesus upang hanguin ang sangkatauhan sa pagdurusang bunga ng kasalanan. Habag ang nangingibabaw kay Jesus nang magpagaling Siya ng mga maysakit at may kapansanan. Habag din ang nadama Niya sa limanlibong lalaking sumusunod sa Kanya at nagugutom kaya’t pinakain niya sila sa pamamagitan ng limang tinapay at dalawang isda. At habag din ang nadama Niya sa babaeng biyuda sa ebanghelyo, kung kaya’t binuhay Niya ang nag-iisang anak na lalaki nito. Mga kapatid, para sa isang taong tunay na sumusunod kay Jesus, ang kailangan niya’y isang pusong nakadarama ng pagdurusa ng iba. Hindi niya ipinagwawalang bahala ang kalagayan ng mga kaawa-awa at naaapi at kumikilos siya upang pawiin ang paghihirap ng mga ito sa abot ng kanyang makakaya. Sa buhay mo ngayon kapatid, mulat ka ba sa mga paghihirap na dinaranas ng iyong kapwa? Nadarama mo ba ang hirap at pasakit ng mga taong matagal ng nakaratay sa banig ng karamdaman, o mga batang maagang naulila sa magulang, o mga taong palaboy-laboy sa lansangan, walang makain, ni walang matirhan? Mga kapatid, maramdaman din sana natin ang habag ng Diyos sa kanila. Hindi lang natin sila ipagdarasal, kundi makagawa sana tayo ng konkretong paraang makatulong sa kanila sa abot ng ating makakaya.