Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 13, 2019 – BIYERNES SA IKA-23 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO:  LUCAS 6:39-42

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad ang isang talinghaga: “Puwede nga kayang akayin ng isang bulag ang isa pang bulag? Di ba’t kapwa sila mahuhulog sa kanal? Hindi higit sa kanyang guro ang alagad. Magiging katulad ng kanyang guro ang ganap na alagad. Ba’t mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Kapatid, pahintulutan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’gayong hindi mo nga makita ang troso sa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa mata mo, at saka ka makakakitang mabuti para alisin ang puwing sa mata ng kapatid mo.”

PAGNINILAY:

Isa sa mga karaniwang kahinaan ng tao sa ating panahon ngayon, ang mapanghusgang pag-uugali na meron tayo. Isa din ito sa mga isyu na hinaharap ng ating lipunan. Mapa social media man o personal na buhay. Husga dito, pamumuna doon, at iba pa. Tila ba’y kahit sino, walang takas sa mata ng nino man. Pero natanong ba natin sa ating sarili kung sino ba tayo para manghusga ng ating kapwa? Tayo ba’y hindi nagkakamali? o Tayo ba’y perpekto? Meron ba tayong karapatan na manghusga?   Sa ating ebanghelyo ngayong araw, inaanyayahan tayo ng Panginoong Hesus na suriin ang ating mga sarili. Madalas ba nating ipinagdidiinan na tama tayo at sila ang mali, o mas marunong tayo? Pero, aminin natin na tayo din mismo, may sariling depekto na hindi natin magawang itama. Masakit mang sabihin pero ang katotohanan tayo rin, hipokrito sa isa’t isa.   Totoo, madaling makita ang kamalian ng ibang tao, at sa kabilang banda nama’y napakahirap ding aminin nang pusong mapagmataas ang sariling kamalian. Kaya nga sa araw na ito, nawa’y maging tanda sa atin, na mismo ang Diyos na makapangyarihan at perpekto sa lahat, di magawang titigan tayo base sa ating kamalian at pagkukulang. Lagi niya tayong tinitignan nang may pagmamahal, at nakikita na meron tayong potensya na gumawa ng Mabuti sa isa’t isa sa bawat araw. Huwag nating kaligtaan na tanging Diyos lang ang may karapatang manghusga. Hilingin natin sa Diyos ang biyaya upang matuto tayong mapagkumbaba sa isa’t isa. Dahil kung nasaan ang mga mapagkumbaba, naroon at nananahan ang Awa at dakilang pag-ibig ng Diyos.  Amen.   – Cl. Haileth Gem Joseph Enarsao, SSP