EBANGHELYO: Lk 7:1-10
Matapos ang pagtuturo ni Jesus sa mga tao, pumasok s’ya sa Capernaum. May isang kapitan na may katulong na naghihingalo at pinahahalagahan n’ya ito. Pagkarinig n’ya tungkol kay Jesus, nagpapunta s’ya sa kanya ng mga matatanda ng mga Judio para pakiusapang pumunta at pagalingin ang kanyang katulong. Pagdating ng mga ito kay Jesus, taimtim nila s’yang pinakiusapan, “Marapat lamang na pagbigyan mo s’ya. Mahal nga n’ya ang ating bayan at s’ya ang nagpatayo ng aming sinagoga.” Kaya kasama nilang pumunta si Jesus. Nang hindi na s’ya kalayuan sa bahay, nagpapunta naman sa kanya ng mga kaibigan ang kapitan para sabihin, “ Ginoo, huwag ka nang mag-abala pa, hindi nga siguro ako karapat-dapat para tumuloy ka sa aking bahay kaya hindi ko man lamang inakala na nararapat akong lumapit sa iyo. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. Mababa nga lang ang ranggo ko pero may mga sundalo sa ilalim ko, at kung iuuto s ko sa isa, ‘umalis ka’, umaalis s’ya. At sa iba naman, ‘halika’, at pumaparito s’ya. At pag sinabi kong, ‘gawin mo ito’ sa aking katulong, ginawa nga n’ya ito.” Humanga si Jesus pagkarinig n’ya nito. Lumingon s’ya sa mga sumusunod sa kanya at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo, sa Israel ma’y hindi ko natagpuan ang ganitong pananalig.” At nang magbalik sa bahay ang mga sinugo, natagpuan nilang magaling na ang katulong.
PAGNINILAY
Isinulat ni Cleric Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Maraming tao ang gustong sumunod kay Hesus dahil gusto nilang makakita at makatanggap ng milagro. Kung gagaling at makakita, eh mananalig na sila. Sa ating Ebanghelyo narinig natin ang masidhing kagustuhan ng kapitang Romano na gumaling ang kanyang alipin. Pumunta si Hesus, siya’y kinilala niyang Diyos na lubhang mahabagin, kaya naman gumaling ang kanyang alipin! Nakita ni Hesus ang pag-ibig at pagturing na kapatid ng Kapitan sa kanyang kawal gayundin ang kanyang pagkilala at pananampalataya, kaya naman pinagaling ito ni Hesus.// Mga kapatid, hindi po milagro lamang ang pagkakakilanlan ng Diyos. Higit sa lahat—Ang Diyos ay pag-ibig. At sa ilalim ng kanyang pag-ibig bumubukal ang kanyang pagnanais na tayo’y mapabuti at magkaisa bilang magkakapatid sa ilalim ng kanyang pagmamahal. Amen.
PANALANGIN
Panginoon, makilala nawa naming at makita ang iyong paglingap hindi lamang sa isang iglap na milagro kundi sa araw-araw na maliliit na pagpapalang natatanggap namin. Maalala nawa naming lagi na ang higit sa lahat ng pagpapala ay ang matanggap naming ang iyong walang hanggang awa at pag-ibig. Amen.