Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 13, 2023 – MIYERKULES SA IKA-23 LINGGO NG TAON |  San Juan Crisostomo, Obispo at Pantas ng Simbahan

BAGONG UMAGA

Mapayapang araw ng Miyerkules minamahal kong kapatid kay Kristo. Purihin ang Mapagmahal nating Diyos sa patuloy na pagtuturo sa atin ng mga makalangit na karunungan upang makamit natin ang buhay na walang hanggan. Ito po muli si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.   Sino nga ba ang tunay na mapapalad sa mundong ito? Bago po natin ‘yang sagutin, hayaan nating gabayan tayo ng Mabuting Balita para sa araw na ito, ayon kay San Lukas kabanata anim, talata dalawampu hanggang dalawampu’t anim.  

EBANGHELYO: Lk 6:20-26

Tumingala si Jesus sa kanyang mga alagad at sinabi: “Mapapalad kayong mga dukha sapagkat sa inyo ang Kaharian ng Diyos. Mapapalad kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat bubusugin kayo. Mapapalad kayong mga umiiyak ngayon, sapagkat tatawa kayo. Mapapalad kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at itinatakwil at iniinsulto, at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at lubos na magalak sa araw na iyon sapagkat malaki ang inyong gantimpalang nasa Diyos; gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa Mga Propeta. Ngunit sawimpalad kayong mayayaman sapagkat tinatamasa na ninyo ang inyong ginhawa! Sawimpalad kayong mga busog ngayon, sapagkat magugutom kayo. Sawimpalad kayong humahalakhak ngayon sapagkat magluluksa kayo’t iiyak! Sawimapad kayo kapag pinag-uusapan kayo nang mabuti ng lahat ng tao ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.”  

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Naranasan mo na bang ma-bully? ‘Yung wala ka namang ginagawang masama pero inaapi, sinasaktan at pinagsasabihan ka ng kung anu-ano? Madalas nga, mas lalo ka pang sinasaktan kapag gumagawa ka ng mabuti o nagiging successful ka sa school o sa trabaho dahil pinagbuti mo, nagsikap at nagtiyaga ka. // Alam ni Hesus ang pinagdaraanan mo dahil kilala niya ang puso ng tao. Siya rin ay na-bully ng mga taong hindi makatanggap sa kanya. Nakikita niya ang lahat mong tagumpay at pagtitiis, lahat ng saya at luha. Sinasabi niya sa atin ngayon: “Pinagpala kayo kung dahil sa inyong pagsunod sa Anak ng Tao ay kinapopootan kayo, ipinagtatabuyan at nilalait ng mga tao, at pinaparatangang kayo ay masama. Magalak kayo at lumukso sa tuwa kung gayon ang mangyari sa inyo, dahil malaki ang inyong gantimpala sa langit. // Alam mo ba kung ano ang gantimpala mo dito sa lupa? Kasama mo ang Diyos na nagtataas sa mga aba at nagsasadlak sa mga makapangyarihan. At dahil kasama mo ang Diyos, magagawa mong magalak at magsaya: yung sayang tumatagos sa kaibuturan ng puso na kahit nahihirapan ka o may problema, nakakangiti ka pa rin at payapa mong nagagawa ang iyong mga tungkulin at responsibilidad. Yun ay kung susundin mo ang payo ni San Pablo: “Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal sa harap ng lahat ng mga tao. Hangga’t maaari, gawin ninyo ang inyong makakaya upang mamuhay kayo nang mapayapa kasama ng sinuman.  

PANALANGIN

Panginoon, patatagin mo po kami at punuin ng pagmamahal ang aming puso upang huwag kaming maghiganti, bagkus, ipaubaya namin ang lahat sa galit ng Diyos. Huwag nawa kaming magpadaig sa masama, kundi daigin namin ng mabuti ang masama. Amen.