Daughters of Saint Paul

Setyembre 13, 2024 – Biyernes | Paggunita kay San Juan Crisostomo, obispo at pantas ng Simbahan

Ebanghelyo:  LUCAS 6,39-42

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad ang isang talinghaga: “Puwede nga kayang akayin ng isang bulag ang isa pang bulag? Di ba’t kapwa sila mahuhulog sa kanal? Hindi hihigit sa kanyang guro ang alagad. Magiging katulad ng kanyang guro ang ganap na alagad. Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Kapatid, pahintulutan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’gayong hindi mo nga makita ang troso sa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa mata mo, at saka ka makakakitang mabuti para alisin ang puwing sa mata ng kapatid mo.”

Pagninilay:

You cannot give what you do not have” or “You cannot show what you do not see.” Parang ito ang sinasabi sa atin ng Panginoon sa Mabuting Balita ngayon. Paano nga naman maaakay ng bulag ang isa pang bulag? Eh di pareho silang madadapa o maliligaw, hindi ba? Pero ang pagkawala ba ng paningin ang tinutukoy ng Panginoon? Parang tatlong magkakaibang talinhaga ang pinagsama-sama sa ebanghelyo ngayon. Una ang tungkol sa bulag na gabay. Ikalawa ang tungkol naman sa alagad at kanyang guro. At ikatlo ang kapatid na nakikita ang puwing sa iba ngunit di nakikita ang troso sa mata niya.

Pinapaalalahanan tayo ng Panginoon na suriin ang ating sarili. Bilang mga Kristiyano, lahat tayo ay tinatawag na magbigay-liwanag at umakay sa ating kapwa patungo kay Kristo. Pero paano natin ito magagawa kung hindi natin siya kilala, o hindi malalim ang pagkilala natin sa kanya? Kung gusto nating maging tunay na gabay, kailangang matuto muna tayo mula sa ating Hesus Maestro. Magagawa natin ito sa pag-aaral ng kanyang salita, sa turo ng Inang Simbahan, at sa pananalangin.

Sabi ni St. Pope Paul VI: “Modern man listens more willingly to witnesses than to teachers, and if he does listen to teachers, it is because they are witnesses.” Kailangan pong isabuhay muna ang gusto nating ituro para mas maging effective tayo.