EBANGHELYO: JUAN 3:13-17
Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Walang umakyat sa Langit maliban sa bumaba mula sa Langit— ang Anak ng Tao. Kagaya ng pagtataas ni Moises sa ahas sa ilang, gayundin naman kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat naniniwala sa kanya. Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya’t ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang naniwala sa kanya; magkaroon nga siya ng buhay na walang hanggan. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo, kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya.”
PAGNINILAY:
Dakilang Pag-ibig…Pag-ibig na pinatunayan ng sakripisyo at pag-aalay ng sariling buhay upang magbigay buhay. Yan ang mensahe ng krus. Sinabi ni Pope Francis, na ang Simbahan ay Simbahan ng mga martir, marami ang naghihirap, at nag-aalay ng kanilang buhay para sa pananampalataya. Hinihikayat tayo ng Santo Papa na alalahanin ang mga kapatid nating Kristiyano na pinapatay at pinahihirapan sa Libya, sa Ethiopia at sa iba’t ibang lugar. Pero hwag na tayong lumayo, sa atin mismong bayan, nasaksihan natin ang paghihirap at pag-aalay ng buhay ng ating mga kapatid, Kristiyano man o Muslim, sa Marawi City. Kamakailan lang, nakatanggap ako ng mga larawan ng lugar. Butas-butas na mga gusali, mosque, simbahan…ground zero…larawan ng kawalang pag-asa. Pero sa kabila ng kaguluhang nangyari doon, umusbong ang mga kuwento ng Dakilang Pag-ibig ng mga ordinaryong tao na inialay ang sariling buhay upang sumagip ng buhay. Araw-araw may mga kwento ng Dakilang Pag-ibig: Isang guro na tinatawid ang ilog, umaakyat ng bundok, maihatid lang ang karunungan sa mga nangangailangan; isang bata, sumugod sa nasusunog nilang bahay upang sagipin ang kanyang mga kapatid; isang janitor, isinoli ang bag na may lamang malaking pera kahit kailangang kailangan nya ang perang iyon. Ilan lamang yan sa mga kwento ng pagpapakita ng Dakilang Pag-ibig sa kapwa. Ikaw kapanalig, ano ang kuwento mo? -Vhen Liboon
PANALANGIN:
Panginoon, tulungan mo kaming isabuhay ang mensahe ng krus – Dakilang Pag-ibig, Pagsasakripisyo, Pag-asa. Hinihiling namin ito sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.