EBANGHELYO: Jn 3:13-17
Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Walang umakyat sa Langit maliban sa bumaba mula sa Langit— ang Anak ng Tao. Kagaya ng pagtataas ni Moises sa ahas sa ilang, gayundin naman kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat naniniwala sa kanya. Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang naniwala sa kanya; magkaroon nga siya ng buhay na walang hanggan. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo, kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Gemma Gamab ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Kelan mo huling pinagmasdan ang banal na Krus? Anong mensahe ang ipinapahayag nito sa’yo? Buhay ba o kamatayan? Ano ang mas malalim na pakahulugan mo sa Krus? Mga kapatid, ang krus ay isang “paradox” o kabalintunaan. Isang spiritual writerang nagsabi na “In the spirituality of paradox, death is neither the end of life, nor is it the contradiction of life. Death and life are both transformed into something else, something marvelously alive in God’s plan. But the key to it, is the willingness to enter into the act of surrendering.” Sa panahong ito ng pandemya may pananampalataya ka pa ba sa tuwing tinititigan mo ang Krus? Ang Krus ay simbolo ng buhay, wagas na pagmamahal at pagliligtas ng Diyos. Pero ito din ay simbolo ng kamatayan, kung saan sa panahon ito ng pandemya nararanasan natin ang kahirapan, kawalan ng pag-asa at katiyakan sa buhay. Ang krus ay nag-aanyaya sa atin na lumapit at pagmasdan ito, nang may pusong bukas ang mga mata, upang makita at maramdaman ang kanyang pagmamahal sa mga karaniwang bagay at pangyayari sa ating buhay. Ito rin ang nagbubukas sa ating kaluluwa, ng kakayahang makinig muli sa kanyang mga salita na nagbibigay ng lakas at kasiguraduhan sa buhay natin at sundin ang kanyang kalooban. “Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya binigay nya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Kapatid, gaya ni Hesus handa ka bang isuko ang iyong buhay at kamatayan sa Diyos nang may pananampalataya at pag-asa?