Daughters of Saint Paul

Setyembre 14, 2024 – Sabado| Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal

Ebanghelyo:  Juan 3,13-17

Sinabi ni Hesus kay Nicodemo: “Walang umakyat sa Langit maliban sa bumaba mula sa Langit— ang Anak ng Tao. Kagaya ng pagtataas ni Moises sa ahas sa ilang, gayundin naman kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat naniniwala sa kanya. Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang naniwala sa kanya; magkaroon nga siya ng buhay na walang hanggan. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo, kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya.”

Pagninilay:

Isinulat po ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang ating pagninilay.

Mas kilala ang McDonalds kaysa sa tanda ng Krus! Ito ang resulta ng isang research noong 1995. Apat na tanda ang kanilang ipinakita sa mahigit na 7,000 katao mula sa Germany, Australia, India, Japan, UK at USA: ang logo ng Olympic Ring, ang hugis M ng McDonalds, ang kabibe ng Shell; at ang Krus, tanda ng Kristiyanismo. Ang resulta: 92 percent mas kilalala ang Olympic logo, 88 percent ang McDonalds’s at Shell; at 54 percent lamang ang Krus. Ganito rin kaya ang magiging resulta kung gagawin ang survey sa ating bansa? Ikaw kapatid/kapanalig, alin ang mas kilala mo?

Ngayon ang Kapistahan ng Pagtatampok sa Banal na Krus. Ang binibigyang diin dito ay hindi ang literal na krus; kundi kung paano nagmahal ang Diyos nang lubos. Magpasahanggang ngayon, marami pa rin ang nagbubulag-bulagan at hindi kumikilala sa makalangit na gawaing pagliligtas ng Diyos. Ito ay sa pamamagitan ni Hesus na sumunod nang tapat sa kalooban ng Ama hanggang kamatayan, hanggang sa pag-aalay ng buhay niya sa Krus. Sabi nga sa Ebanghelyo, “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya’t ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan…” (Juan 3:16).

Manalangin tayo:

Panginoong Hesus, salamat po sa inyong pagmamahal at pag-aalay ng inyong buhay hanggang sa Krus. Marami ang umaayaw sa Krus. Mabigat ito, pangit at kasuklam-suklam. Pero kahit ilang beses po kayong nadapa, ay pilit ninyong pinasan ito hanggang sa bundok ng Golgotha. Pwede naman sana kayong tumakas, kung ninais ninyo. Diyos kayo eh. Pero tinapos ninyo ang daan ng Krus, hanggang kayo ay ipako at mamatay sa Kalbaryo. Panginoon hindi lang lakas, luha, at dugo ang inalay n’yo kundi ang inyong pagkaDiyos upang kami ay maligtas. Salamat po sa inyong dakilang pagmamahal sa amin. Amen.