Daughters of Saint Paul

Setyembre 15, 2016 HUWEBES Ika-24 na Linggo ng Karaniwang Panahon / Mahal na Birheng Nagdadalamhati

Jn 19:25-27 [o Lk 2:33-35]

Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng ina niya, si Mariang asawa ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa ina at sa kanyang mahal na alagad na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa ina: “Babae, hayan ang anak mo!” Pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyo’y tinanggap siya ng alagad sa kanila.

REFLECTION

Noong si Jesus nakabayubay sa Krus, tumakas ang lahat Niyang mga kaibigan at iniwan Siya.  Pero ang Kanyang Ina nanatili doon, at tahimik na nakikiisa sa Kanyang mga paghihirap.  Walang magawa ang Mahal na Ina kundi ang pagmasdan ang kanyang Anak at sa pamamagitan ng kanyang presensya, ipinadama kay Jesus ang kanyang pagmamahal.  Mga kapatid, ang kapistahang ito ng Ina ng Hapis, hindi lamang nagpapahiwatig ng mga sakit at hirap ng Mahal na Ina.  Nagpapahayag din ito ng bukas-loob na pagdamay sa mga naghihirap niyang mga anak na ipinagkatiwala ni Jesus sa kanya.  Ang Mahal na Birhen ang ating huwaran sa pagdamay sa mga nangangailangan lalo na sa mga may sakit.  Sa ating paglilingkod sa mga may karamdaman, higit na mahalaga ang ibigay natin sa kanila ang mapagmahal na pag-aaruga.  Dahil kapag ang isang tao nagkasakit, nakadarama siya ng matinding lungkot at pagkatakot sa pag-iisa.  Isang malaking biyaya ang maging instrumento ng Diyos upang makapagdulot ng aliw at ginhawa sa mga may sakit.  Nawa ang mapagmahal na pag-aaruga sa atin ng ating Mahal na Ina ang magtulak sa atin na maglingkod nang buong pagmamahal sa ating kapwa.  Idalangin natin ang ating mga kapatid na may karamdaman, nawa’y paginhawahin sila ng paniniwalang kasama nila ang Mahal na Birhen at ang kanyang Anak na si Jesus sa kanilang mga paghihirap.  Manalangin tayo.  Panginoon, sa pamamagitan ng panalangin ng Mahal na Birheng, Ina ng Hapis, idinudulog namin Sa’yo ang lahat ng may mga karamdaman; lahat ng mga kapatid naming labis na naghihirap sa kasalukuyan at nawawalan na ng pag-asang gumaling pa.  Kayo lamang po ang kanilang inaasahan.  Kayo na may likha sa amin, ang tanging makakapanumbalik sa aming malusog na pangangatawan.  Iunat N’yo po ang Iyong mapagpagaling na kamay at hipuin ang bahagi ng aming katawan na matagal nang may karamdaman.  Amen.