Daughters of Saint Paul

Setyembre 15, 2017 BIYERNES sa Ika-23 Linggo ng Taon /Mahal na Birheng Nagdadalamhati

 

1 Tm 1:1-2.12-14 Slm 16:1b-2a, 5.7-18.11 Jn 19:25-27

Jn 19:25-27

Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng ina niya, si Mariang asawa ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa ina at sa kanyang mahal na alagad na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa Ina:  “Babae, hayan ang anak mo!”  Pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad:  “Hayan ang iyong ina.”  At mula sa oras na iyo’y tinanggap siya ng alagad sa kanila.

PAGNINILAY

Mga kapatid, ipinagdiwang natin kahapon ang Kapistahan ng Pagtatampok sa Banal na krus.  Ngayon naman, ginugunita natin ang kapistahan ni Maria kaugnay ng kanyang mga Banal na Hapis.  Maaaring magdala ito ng mga katanungan sa ibang hindi lubos na nakauunawa sa kahulugan ng pagdiriwang na ito.  Maaaring lumabas na may pagka-sadista ang Simbahan dahil hapis na nga, ipinagpipiyesta pa.  Pero dapat nating unawain na banal at tunay na mahalaga ang mga hapis ni Maria, dahil ang mga hapis na ito, mga hapis na may kaugnayan sa buhay ng kanyang anak na si Jesus.  Ang mga hapis sa buhay ni Jesus, mga hapis din na iningatan ni Maria sa kanyang puso.  Maaaring hindi sugatan ang kanyang katawan pero parang tinarakan ng mga balaraw ang kanyang puso dahil sa mga hapis at pahirap na dinanas ng kanyang pinakamamahal na anak.  Naging banal ang mga hapis ni Maria dahil sa malalim na kaugnayan nito kay Jesus – mga hapis na dahil kay Jesus at para kay Jesus.  Kaya hindi natin lubos maisip, na may mga ina tayong nababalitaan sa TV, sa social media at iba pa, na sangkot sa cybersex – na mismong sariling anak ang ikinakalakal sa mga foreigners, gamit ang internet.  Merong mga ina, na ibinubugaw ang sariling anak para kumita ng pera kahit sa maling paraan; mga ina na sangkot sa human trafficking.  Ang mga inang katulad nito, kabalintunaan sa sinabi ni Santa Teresita del Niño Jesus na: “Ang puso ng isang ina ang pinakamagandang obra maestra ng Diyos,” dahil sila pa ang nagpapahamak sa sariling anak.  Sa araw na ito, hingin natin ang tulong panalangin ng Mahal na Birheng nagdadalamhati, na hipuin ang puso ng mga inang naliligaw ng landas, mga inang nagpapahamak sa sariling anak.  Matanto nawa nila ang kanilang bokasyon bilang ilaw ng tahanan, gabay at tagapangalaga ng mga anak na ipinagkatiwala lamang sa kanila ng Diyos.  Idalangin din natin sa Diyos sa tulong ng Mahal na Birheng Maria ang lahat ng mga ina, nang tunay nilang magabayan sa kabutihan ang mga anak at mahubog silang may pananalig sa Diyos at paggalang sa kapwa.