EBANGHELYO: Lk 2:33-35
Sa Jerusalem ang isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at maka-Diyos ang taong iyon. Hinihintay n’ya ang pagpapaginhawa ng Panginoon sa Israel at sumasakanya ang Espiritu Santo. Ipinaalam naman sa kanya ng Espiritu Santa na hindi s’ya mamamatay hangga’t hindi n’ya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. Kaya pumunta siya ngayon sa Templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Jesus upang tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya.
PAGNINILAY
Isinulat ni Cleric Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Ang mga dalamhati ni Maria ay sumasalamin sa tunay na pakikiisa ng Diyos sa atin—higit sa lahat sa kanyang pagiging bata at pagpapakasakit. Ngayong araw po, ang paggunita natin kay Maria ang Mater Dolorosa. From womb to tomb, ika nga–siya’y kasama at kapiling ng ating Panginoong Hesus. Sa ating Ebanghelyo ngayong araw narinig natin ang matandang si Simeon. Sa pamamagitan ng pagbubunyag ng Espiritu Santo na nagsabing hindi niya makikita ang kamatayan hanggat hindi niya nasisilayan ang Mesiyas…araw-araw siyang naghihintay. Isang araw sa pag-udyok din ng Espiritu Santo pumanhik sa templo si Simeon, at doo’y nakita niya ang mag-anak. Ang ‘di malilimutan niyang mga salita kay Maria ay: “dahil sa batang iyan tatarak ang isang balaraw sa iyong puso.” Ibig sabihi’y hindi lamang sa ginhawa dito sa lupa sasamahan ni Maria si Hesus, kundi pati na din sa kanyang dalamhati.// Mga kapatid, magandang pagnilayan natin ang mga hapis sa ating buhay…mga pagkakataon ng dalamhati, nasaan si Hesus? Nadarama ba natin siya sa mga taong handang tumulong, nagmamalasakit at nagpapamalas sa atin ng pagmamahal? Isa pang magandang pagnilayan, ano ba ang higit nating nais masilayan bago tayo lumisan sa mundo? Kotse, magandang bahay, masayang mga kaibigan at pamilya? Tulad ni Maria at Simeon, sana po huwag nating kalimutang ituon lagi ang ating buhay sa Diyos—kay Hesus. Sa Dalamhati, siya’y Karamay at katuwang. Sa buhay, sana po’y huwag nating iwala ang ating pagtingin sa kanya. Dahil kung sa dalamhati at dilim tayo’y nalulugmok—Ang Diyos ang ating saya at liwanag para muling lumaban sa buhay.//
PANALANGIN
Panginoon, alam naming hindi mo kami bibitawan sa gitna ng panganib ng dalamhati’t dilim. Pero sana bigyan mo kami ng karagdagang lakas upang patuloy na kumapit sayo lamang, hindi sa iba. Amen.