Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 15, 2023 – BIYERNES SA IKA-23 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON | Mahal na Birheng Nagdadalamhati         

BAGONG UMAGA    

Purihin ang Diyos sa paggunita natin ngayon ng Mahal na Birheng Maria na nagdadalamhati. Isang mainit na pagbati po ng Happy Fiesta sa mga parokyang nagdiriwang ng Kapistahan ngayon!  Kasunod ng pagdiriwang ng Pagtatampok sa Krus na Banal, ang paggunita natin sa Mahal na Birheng Maria na nagdadalamhati o ang Our Lady of Sorrows.  Pasalamatan natin ang Mahal na Ina sa bukas-loob na pag-aalay ng kanyang anak na si Hesus upang tupdin ang misyong ibinigay sa Kanya ng Ama.  Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Juan kabanata labing-siyam, talata dalawampu’t lima hanggang dalawampu’t pito.

EBANGHELYO: Jn 19:25-27

Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng ina niya, si Mariang asawa ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa ina at sa kanyang mahal na alagad na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa ina: “Babae, hayan ang anak mo!” Pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyo’y tinanggap siya ng alagad sa kanila.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Sa araw na ito ginugunita natin ang Mahal na Birheng nagdadalamhati.  Habang nakabayubay sa krus, inihabilin tayo ni Hesus sa kanyang Inang nagdadalamhati. Mula noon, pinagpala na tayo ng mga panalangin, pag-iingat at pag gabay ng ating Inang Maria. Inaakay niya tayo palapit sa kanyang Anak upang tulad niya, mapuspos ng biyaya ang ating buhay. Mga kapatid, dalawang araw mula ngayon, ipagdiriwang sa buong Kabikolan ang Kapistahan ni INA, ang Mahal na Birhen ng Peñafrancia. Pinaparangalan ang Mahal na Birhen bilang pagtanaw sa kanyang natatanging bahagi sa dakilang kasaysayan ng ating kaligtasan, ang kanyang walang pag-iimbot at tapat na pagtalima sa kalooban ng Panginoon, upang maging Ina ni Hesus. Hindi man niya lubusang matanto ang plano ng Diyos, lubos siyang nagtiwala sa Panginoong tunay na nagmamalasakit, tapat at nagmamahal sa kanya. Naalala ko noong ako’y nasa kolehiyo, araw-araw, matindi ang kaba ng aking dibdib dahil sa takot, habang naglalakad ako papuntang school. Ramdam ko ang mga namumulang mga mata ng mga kalalakihang nakatingin sa akin habang dumadaan ako. May nakapagsabi sa akin na maraming adik sa lugar na iyon. Minsan sinabi ko sa aking ina, “Nanay, natatakot po ako, tinitingnan nila ako kapag ako’y dumadaan.” Magiliw na lumingon sa akin si Nanay, “Dee, si Ina ang bahala saiyo. Sa iyong paglabas, tawagin mo Siya, isang Aba Ginoong Maria.” Araw-araw bago ako lumabas naririnig ko ang habilin ng aking Nanay. Hanggang ngayon, kapag nakakaramdam ako ng takot, naririnig ko ang aking Nanay, “Dee, isang Aba Ginoong Maria.” Mahal na Inang Maria, ni minsan hindi mo po ako binigo. Maraming salamat po.