Daughters of Saint Paul

Setyembre 15, 2024 – Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (B)

Ebanghelyo:  Marcos 8, 27-35

Pumunta si Jesus kasama ang kanyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea ni Filipo. At habang nasa daa’y tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Sino raw ako ayon sa mga tao?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o isa sa Mga Propeta kaya.” At tinanong niya sila: “Ngunit ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” At sumagot si Pedro: “Ikaw ang Mesiyas.” At inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang tungkol sa kanya. At sinimulan niyang ituro sa kanila na kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon pagkatapos ng tatlong araw. At buong tapang siyang nagsalita. Dinala naman siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulan siyang pagsabihan. Ngunit pagtalikod ni Jesus, nakita niya na naroon din ang kanyang mga alagad. Kaya pinagsabihan si Pedro: “Sa likod ko, Satanas! Hindi sa Diyos galing ang iniisip mo kundi mula sa tao.” Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad pati na ang mga tao, at sinabi: “Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan nito alang-alang sa akin at sa ebanghelyo ang magliligtas nito.”

Pagninilay:

Tandaan natin na merong pagkakaiba ang knowing Jesus sa knowing about Jesus. Kung kinikilala natin ang ating Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng panalangin at isinasabuhay ang kanyang ebanghelyo, makikilala natin nang mas malalim ang ating Panginoon. Dito natin masasabi na we really know Jesus. Sa kabilang banda, kahit walang pananampalataya ang isang tao kay Hesus, pwede pa rin niyang kilalanin si Hesus gamit ang kanyang talino. May kalayaan siyang hindi isabuhay ang mga katuruan ng ating Panginong Hesukristo. Dito natin masasabi na we only know about Jesus. Kapanalig, ang pananampalataya natin kay Hesus ay isang regalo ng Diyos. Pero kahit regalo ito sa atin, kailangan pa rin nating palalimin ang pagkakilala natin sa kanya. Ang mga sakramento at liturhiya ng Simbahan ang tumutulong sa atin para mapalalim pa ang pagkilala natin kay Hesus.

Tulad ni Pedro noong sinagot niya ang tanong ni Hesus. Pinuri siya ni Hesus dahil ang pagkilala niya sa Panginoon ay hindi mula sa dugo at laman ng tao, ngunit galing mismo sa Diyos. Kaya naman masasabi natin: “Peter knows Jesus.” Ngunit noong sinabi ni Hesus na siya’y magdurusa at papatayin ay dagling nagbago ang sinabi ni Pedro. Kaya’t sinabi sa kanya ni Hesus: “Lumayo ka sa akin Satanas!” Ang ibig sabihin ng Satanas ay balakid. Naging balakid si Pedro sa plano ng Dios. Sa pagkakataong ito naging mababaw ang pagkilala ni Pedro kay Hesus; at masasabi natin: “Peter knows only about Jesus.”

Mga kapatid/kapanalig, ginamit ng Dios ang Krus ng ating Panginoong Hesukristo upang ipakita at iparamdam sa atin kung gaano niya tayo kamahal. Kung tutuusin pwede naman tayong iligtas ni Hesus na hindi na kailangan magbuwis ng buhay sa krus. Pero parang isang obligasyon lamang na kailangang gawin ni Hesus kung ganyan ang nangyari. Ngunit ipinakita sa atin ng Panginoon na makikita ang tunay na pagmamahal kung handang harapin ng isang nagmamahal ang lahat ng hirap, at magbuwis ng buhay para sa kanyang minamahal. Ganun kalalim ang pagmamahal sa atin ng Dios at ganun kalalim ang pagkilala ni Hesus sa Ama. Tunay ngang mahal tayo ng Dios. “Mahal” tayo kasi walang kayamanan dito sa mundo na makakatumbas sa buhay natin; hindi tayo mumurahin. “Mahal” tayo sapagkat buhay mismo ng Dios, sa katauhan ni Hesus, ang inalay para tayo maligtas. Labis tayong minahal ni Hesus. Nawa’y ganyan din natin siya makilala sa ating buhay.