Lk 8:1-3
Naglibot si Jesus sa bawat lunsod at bayan na nangangaral at ibinabalita ang Kaharian ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa at ilang mga babae na pinagaling sa masasamang espiritu at mga karamdaman: si Maria na tinaguriang Magdalena, na nilisan ng pitong demonyo, si Juana na asawa ni Kusa na katiwala ni Herodes, at si Susana at iba pang naglilingkod sa kanila mula sa kanilang kaya.
REFLECTION
Sa Ebanghelyong ating narinig, kapansin-pansin na maraming babae ang sumasama sa paglalakbay at pangangaral ng pangkat ni Jesus. Hindi karaniwan ang tanawing ito sa isang pamayanang patriyarkal. Totoong may mga babaeng nagsusuporta sa mga rabbi at sa kanilang mga alagad. Itinuturing itong banal na gawain. Pero mahirap isipin at malaking iskandalo ang mga babaeng umaalis sa kanilang mga bahay upang maglakbay kasama ng isang rabbi at ng mga alagad nito. Mga kapatid, binago ni Jesus ang pananaw na ito. Ang mga babaeng kasama Niya, gumaling sa pagkaalipin sa mga masasamang espiritu at mga karamdaman. Isa sa mga ito si Juana, ang asawa ng tagapamahala ni Herodes. Isa siyang maimpluwensiyang tao sa lipunang Judio. Ang kabutihan ng bawat isa sa grupo, katibayan ng kapangyarihan ni Jesus sa pagpapahayag tungkol sa paghahari ng Diyos. Sa katunayan, ang naglalakbay at nangangaral na pangkat, sa kabuuan, buhay na larawan ng paghahari ng Diyos kung saan ang mga lalaki at babae, ang mga mayayaman at mahihirap, ang mga may asawa at dalaga’t binata, nagkakasundo at nagkakaunawaan. Nangyari ito dahil si Jesus ang sentro ng kanilang buhay bilang isang pamayanan. Mga kapatid, kamusta ba ang samahan sa loob ng ating tahanan, sa ating pinagtatrabahuhan o sa organisyong kinabibilangan natin sa parokya? Masasabi ba nating namamayani ang mapayapang samahan, pagtutulungan at pagmamahalan dahil si Kristo ang sentro ng ating pamayanan? Manalangin tayo. Panginoon, basbasan mo po ang aking pamilya, kamag-anak, kasamahan sa trabaho at aming parokya. Kayo nawa ang maghari sa amin nang manatiling buo, mapayapa at nagtutulungan ang aming samahan sa kabila ng mga kahinaan at pagkakaiba-iba ng ugali. Amen.