EBANGHELYO: Lk 7:36-50
Inanyayahan si Jesus ng isa sa mga Pariseo na makisalo sa kanya pumasok siya sa bahay ng Pariseo at humilig sa sopa para kumain. Ngayon, may isang babae sa bayang iyon na itinuturing na makasalanan. Nang malaman nito na si Jesus ay nasa hapag sa bahay ng Pariseo, nagdala ito ng pabangong nasa sisidlang alabastro. Tumayo siya sa likuran, sa may paanan ni Jesus at umiyak. Tumulo ang kanyang mga luha sa mga paa ni Jesus at pinunasan niya ng kanyang buhok, at hinagkan at pinahiran ng pabango. Nang makita ito ng Pariseong kumumbida, naisip nito: “Kung Propeta ang taong ito, malalaman niya kung sino ang babaeng ito at anong uri ng tao ang humihipo sa kanya—isa ngang makasalanan!” Ngunit nagsalita sa kanya si Jesus: “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” “Guro, magsalita ka.” “May dalawang may utang sa isang taong nagpapautang. Limandaang salaping pilak ang utang ng isa at limampu naman ang sa isa pa. Ngunit wala silang maibayad, kaya kapwa niya sila pinatawad. Ngayon, sino sa kanila ang magmamahal sa kanya nang higit?” “Sa palagay ko’y ang pinatawad niya ng mas malaki.” “Tama ang hatol mo.” At paglingon niya sa babae, sinabi niya kay Simon: “Nakikita mo ba ang babaeng ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa ngunit binasa niya ng kanyang luha ang aking paa at pinunasan ito ng kanyang buhok. Hindi mo ako hinagkan ngunit mula nang pumasok siya’y wala nang tigil ang kahahalik niya sa aking mga paa. Kaya sinasabi ko sa iyo, pinatatawad na ang marami niyang kasalanan dahil nagmahal siya nang malaki. Ngunit nagmamahal lamang ng kaunti ang pinatatawad ng kaunti.” At sinabi naman ni Jesus sa babae: “Pinatatawad ang iyong mga kasalanan.” At nagsimulang mag-isip ang mga nasa hapag, “At nangangahas ang taong ito na magpatawad ng mga kasalanan.” Ngunit sinabi ni Jesus sa babae: “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya; humayo ka sa kapayapaan.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. VG ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo. Sa ating Mabuting Balita ngayon, pinaaalalahanan tayo ng Diyos na ang Kanyang habag at awa ay walang hanggan sa taong tunay na nagsisisi. Mas malaki ang pagpapatawad ng Diyos kaysa sa ating mga kasalanan. Ipinakita ang lubos na pagsisisi ng babae, sa pamamagitan ng pagbuhos niya ng mamahaling pabango. Mga kapatid, ang tunay na pagsisisi ay hindi lamang sa salita, kundi higit, may kalakip itong mabubuting gawa bilang “bayad puri” sa ating mga kasalanan. Lumapit tayo sa Sakramento ng Kumpisal kung may pagkakataon. Ang Diyos ay handang magpatawad sa taong nagsisisi sa lahat ng oras. Mga kapatid, kung pinatatawad tayo ng Diyos ng ganito, patawarin din natin ang isa”t isa, at ang ating mga sarili.
PANALANGIN
Panginoon, tulungan mo po kaming aminin ang aming mga pagkakasala at manumbalik sa Inyo, dahil batid po namin na buong Puso mo kaming tatanggapin muli. Amen.