BAGONG UMAGA
Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo. Purihin ang Panginoon sa biyayang masilayan muli ang ganda ng panibagong araw na punong-puno ng Kanyang pag-asa at pagpapala. Panawagang lumago sa pagsabuhay ng pananampalataya ang hamon sa atin ng Ebanghelyo ngayon, ayon kay San Lukas kabanata anim, talata apatnapu’t tatlo hanggang apatnapu’t siyam.
EBANGHELYO: Lk 6:43-49
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno nama’y hindi makapamumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat puno sa bunga nito. Hindi makapipitas ng igos mula sa tinikan ni makaaani ng ubas mula sa dawagan. Naglalabas ang taong mabuti ng mabuting bagay mula sa yaman ng kabutihan sa kanyang puso; ang masama nama’y naglalabas ng masamang bagay mula sa kanyang kasamaan. At umaapaw nga mula sa puso ang sinasabi ng bibig. Bakit pa n’yo ako tinatawag na ‘Panginoon, Panginoon,’ pero hindi n’yo naman tinutupad ang aking sinasabi? Ilalarawan ko sa inyo ang lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at tumutupad nito. May isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay ng malalim at sa batuhan inilagay ang mga pundasyon. Pagdating ng baha, hinampas ng agos ang bahay na iyon pero wala itong lakas para yanigin iyon dahil mabuti ang pagkakatatag niyon. At kung may nakaririnig ngunit di naman nagsasagawa, matutulad siya sa nagtatayo ng bahay sa ibabaw ng lupa na wala namang pundasyon. Hinampas ito ng agos at kaagad bumagsak. Anong laki ng pagkawasak ng bahay na iyon!”
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Edward Dantis ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Mga kapatid, tinanggap ni San Pablo, apostol na siya’y makasalanan. Pero sinasabi niya, na sa kanyang pagtanggap dito, naipapakilala niya sa iba ang liwanag ng walang kundisyong pagmamahal at pagpapatawad ni Kristo, na siyang nagkapagpanibago sa kanya. Ang kanyang naging pagbabago ay bunga ng kanyang naging pananampalataya kay Kristo. Nagbunga ito ng mas marami pang tagasunod ni Kristo, dahil sa mga naitatag niyang komunidad at nagabayang sambayanang Kristiyano. // Kapatid, papaano nagiging mabunga ang iyong buhay? What kind of fruits do you bear in life? Kung pawang kabutihan at pagpapatawad ni Kristo ang nakikita sa’yong pagkatao, masasabing tunay ka ngang taga sunod ni Kristo at ikaw ay pagpapalain. Binabago ng pagpapala ang lahat ng nadaraanan nito. Ang kasalanang nahawakan ng pagpapala at nagbunga ng pagbabago, ay maaaring maging isang pagpapaalala sa kapangyarihan ng Diyos, at ng mag-muling pagkabuhay ni Kristo. Kaya bawat isa sa atin ay tinatawag na maging bukas kay Hesus, at sa Kanyang nakapag-papanibagong pag-ibig, His transformative love that bears fruit. // Mga kapatid, hindi ipinapangako ni Kristo sa kanyang mga tagasunod ang isang buhay na madali lamang. Pero ang kanilang mga pagpapakasakit na bina´ta kasama si Kristo, magbubunga ng hitik para sa simbahan, at para sa mga mananampalataya.