Daughters of Saint Paul

Setyembre 16, 2024 – Lunes | Paggunita kina Papa San Cornelio at Obispo San Cipriano, mga martir

Ebanghelyo:  Lucas 7, 1-10

Matapos ang pagtuturo ni Hesus sa mga tao, pumasok s’ya sa Capernaum. May isang kapitan na may katulong na naghihingalo at pinahahalagahan n’ya ito. Pagkarinig n’ya tungkol kay Hesus, nagpapunta s’ya sa kanya ng mga matatanda ng mga Judio para pakiusapang pumunta at pagalingin ang kanyang katulong. Pagdating ng mga ito kay Hesus, taimtim nila s’yang pinakiusapan, “Marapat lamang na pagbigyan mo s’ya. Mahal nga n’ya ang ating bayan at s’ya ang nagpatayo ng aming sinagoga.” Kaya kasama nilang pumunta si Hesus. Nang hindi na s’ya kalayuan sa bahay, nagpapunta naman sa kanya ng mga kaibigan ang kapitan para sabihin, “Ginoo, huwag ka nang mag-abala pa, hindi nga siguro ako karapat-dapat para tumuloy ka sa aking bahay kaya hindi ko man lamang inakala na nararapat akong lumapit sa iyo. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. Mababa nga lang ang ranggo ko pero may mga sundalo sa ilalim ko, at kung iuutos ko sa isa, ‘umalis ka’, umaalis s’ya. At sa iba naman, ‘halika’, at pumaparito s’ya. At pag sinabi kong, ‘gawin mo ito’ sa aking katulong, ginawa nga n’ya ito.” Humanga si Hesus pagkarinig n’ya nito. Lumingon s’ya sa mga sumusunod sa kanya at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo, sa Israel ma’y hindi ko natagpuan ang ganitong pananalig.” At nang magbalik sa bahay ang mga sinugo, natagpuan nilang magaling na ang katulong.

Pagninilay:

Ang pinuno ng mga Judio na nakiusap kay Jesus na dalawin at pagalingin ang alipin ng Senturyon ay kinukumbinsi si Jesus, na karapatdapat lang na pagbigyan niya ang Kapitan, dahil mahal nito ang bansa nila at nagpatayo pa ito ng sinagoga para sa kanila. Lumapit sila kay Jesus na ang pinapahalagahan at pinupuri ay ang nagawa ng Kapitan o ng Senturyon. 

Pero iba ang disposisyon ng Senturyon. Una, may malalim na paniniwala siya na mapapagaling ni Jesus ang kanyang alipin. Pangalawa, ang kababaang loob na sabihin na “hindi po ako karapat-dapat na humarap sa inyo; ngunit magsalita lamang po kayo at gagaling na ang aking alipin”. Kaya’t namangha si Jesus sa pananampalataya at kababaang-loob ng Senturyon, at pinagaling nga niya ang alipin.

Siguro, tinanong na rin natin si Jesus nang tayo ay magkasakit o may nangyaring di maganda sa atin ng ganito: Bakit ako pa, Panginoon? Mabuti naman akong tao. Ang naka-sentro sa ating tanong ay AKO. Gayahin kaya natin ang Senturyon. “Panginoon, sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako.” May pananalig, may kababaang loob. Si Jesus ang naka sentro hindi ang katangian ko o ang mga nagawa ko. I do not deserve the mercy of God. Sabi nga sa Sulat ni San Pablo sa Romans 9:16 – “Maliwanag kung gayon, na ang pasya ng Diyos ay nababatay sa kanyang habag, at hindi sa kagustuhan o pagsisikap ng tao.”