Daughters of Saint Paul

Setyembre 17, 2017 Ika-24 na LINGGO sa Karaniwang Panahon

Sir 27:30-28:7 Slm 103:1-2.3-4.9-10.11-12  Rom 14:7-9 Mt 18:21-35

Mt 18:21-35

Nagtanong naman si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” Sumagot si Jesus: “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu't pitong beses.”

Sinabi ni Jesus ang talinhagang ito: “Tungkol sa Kaharian ng Langit ang istoryang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili siya at maging alipin siya kasama  ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad-utang.”            

At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: 'Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.' Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang.   

Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng 'Bayaran mo ang utang mo!' Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: 'Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ng utang ko sa iyo.' Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang.

 … Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: 'Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Hindi ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?' Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nitong lahat ang utang.

Idinagdag ni Jesus: “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.”  

PAGNINILAY

Mga kapatid, inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo ngayon, na tularan ang Panginoong Jesus sa Kanyang walang-hanggang pagpapatawad sa ating mga kasalananan at pagkukulang.  Kung paano Niya tayong pinatawad sa ating mga kasalanan at binigyan ng panibagong pagkakataong itama ang nagawang pagkakamali, ganun din dapat ang gawin natin sa mga taong nagkasala sa atin.  Pero, alam natin na mahirap gawin ito, lalo na kung masyado tayong nasaktan.  Kaya kailangan natin ang tulong at lakas na nagmumula sa Diyos upang matuto tayong magpatawad sa mga taong nagkasala sa atin.