Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 17, 2021 – BIYERNES SA IKA -24 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 8:1-3

Naglibot si Jesus sa bawat lunsod at bayan na nangangaral at ibinabalita ang Kaharian ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa at ilang mga babae na pinagaling sa masasamang espiritu at mga karamdaman: si Maria na tinaguriang Magdalena, na nilisan ng pitong demonyo, si Juana na asawa ni Kusa na katiwala ni Herodes, at si Susana at iba pang naglilingkod sa kanila mula sa kanilang kaya.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Nais kong tanungin ang mga kababaihang nakikinig ng pagninilay na ito. Bakit ka ba naglilingkod kay Hesus? Marahil meron kang hinihingi? O kaya naman nagpapasalamat ka sa biyayang natanggap. Iba’t-iba marahil ang ating sagot/ pero, gaya ng mga babaeng nabanggit sa Mabuting Balita ngayon, maaaring pasasalamat sa biyayang natanggap o dahil sa pagmamahal sa Diyos. Naglilingkod tayo kay Hesus/ dahil naramdaman natin kung paano tayo minahal at pinahalagahan ng Diyos. Kay sarap magmahal ng Diyos!  Pupunuin Nya tayo ng mga consolations/ kaya kahit sa gitna ng paghihirap at mga sakripisyo, may saya tayong nadarama. There is joy and fulfillment for every self-denial and mortification. There is a feeling of victory for every temptation that we overcame for the sake of Jesus. Mga kapatid, noon pa man may mahalagang gampanin na ang mga babae/ sa buhay at ministeryo ni Hesus. Sila yung mga babaeng napagaling ni Hesus at nabigyan ng pagpapahalaga. Kaya naman nag-uumapaw sa pasasalamat/ ang kanilang mga puso. Kaya nga ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian/ upang itustos sa pangangailangan ni Hesus at mga kasama nito. Ako, wala man akong yaman na maiaalay sa kanya/ pero buong puso, buhay at paglilingkod ang tanging alay ko sa kanya, bilang pasasalamat sa kanyang katapatan at pagmamahal sa akin/ sa kabila ng aking mga kahinaan at pagkukulang sa kanya. Ang iba, hindi makahandog ng paglilingkod dahil abala sa hanapbuhay. Material na bagay na lamang ang kanilang handog, upang suportahan ang mga naglilingkod kay Hesus. Wala man ang presence nila, dama pa rin ang kanilang pakikiisa sa misyon ni Hesus/ sa pamamagitan ng kanilang handog at tulong. Ikaw kapatid, anong meron ka na nais mong ihandog kay Hesus? Kailan mo ba planong ihandog yan sa kanya?