BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ika-dalawampu’t apat na Linggo sa karaniwang panahon ng ating liturhiya. Linggo ngayon ng mga Katekista. Kaya pagbati po sa lahat ng mga katekistang nakikinig ngayon. Pagpalain nawa ng Panginoon ang iyong paglilingkod sa Kanyang sambayanan. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata labinwalo, talata dalawampu’t isa hanggang tatlumpu’t lima.
EBANGHELYO: Mt 18:21-35
Nagtanong naman si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” “Sumagot si Jesus: “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t pitong beses.” Sinabi ni Jesus ang talinhagang ito: “Tungkol sa Kaharian ng Langit ang istoryang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili siya at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad-utang. “At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng ‘Bayaran mo ang utang mo!’ Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ng utang ko sa iyo.’ Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. … Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: ‘Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Hindi ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nitong lahat ang utang.”
Idinagdag ni Jesus: ‘Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Rolly Garcia Jr. ang pagninilay sa ebanghelyo. Napakinggan natin ang isang talinghaga tungkol sa pagpapatawad ng Diyos at sa pagpapatawad natin sa ating kapwa. // (Ang aral na maaari nating matutunan mula sa talinghaga ay ito: Ang Diyos ay napakabuti at napakaawaing Ama. Pinatatawad niya ang ating mga kasalanan dahil sa kanyang pag-ibig at biyaya. Hindi niya tayo binabayaran ayon sa ating mga gawa, kundi ayon sa kanyang habag. Kaya dapat din nating gawin ang gayon sa ating mga kapwa. Hindi tayo dapat magtanim ng galit, poot, o hinanakit sa ating mga puso. Dapat nating ibigay ang pagpapatawad na walang kondisyon, walang limitasyon, at walang paghihiganti. Ang pagpapatawad ay hindi lamang para sa kapakanan ng taong nagkasala sa atin, kundi para rin sa ating sariling kapayapaan. // Ang pagpapatawad ay hindi madali, lalo na kung malaki ang pinsala o sakit na idinulot ng kasalanan. Pero, hindi tayo nag-iisa sa pagpapatawad. Maaari nating hingin ang tulong ng Diyos upang magbigay sa atin ng lakas, karunungan, at pag-ibig na makapagpatawad. Si Hesus mismo ay nagpakita ng halimbawa ng pagpapatawad nang siya ay ipako sa krus. Sinabi niya: “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa.” (Lucas 23:34) Kung si Hesus ay nakapagpatawad sa mga taong pumatay sa kanya, bakit hindi natin magagawa iyon sa mga taong nagkasala sa atin?) // Mga kapatid, ang pagpapatawad ay isang biyaya na ibinibigay ng Diyos sa atin upang makaranas tayo ng kalayaan mula sa galit, sama ng loob, o alipin ng nakaraan. Ang pagpapatawad ay isang paraan upang ipakita ang ating pasasalamat sa Diyos, dahil pinatatawad niya ang ating mga kasalanan. Nawa’y maging matapat tayo sa pagtupad ng hamong ito at maging mapagpatawad tulad ni Hesus. Amen.