Ebanghelyo: Lucas 7,11-17
Pumunta si Hesus sa isang bayang tinatawag na Nain; at sinamahan siya ng kanyang mga alagad, kasama ang maraming tao. Habang papalapit siya sa pintuan ng bayan, tamang tama namang inilalabas ang isang patay, ang nag iisang anak na lalaki ng kanyang ina. At ito’y isang byuda kaya sinamahan siya ng di kakaunting tao mula sa bayan. Pagkakita sa kanya, nahabag sa kanya ang Panginoon at sinabi “Huwag kanang umiyak.” Lumapit siya at hinipo ang kabaong: tumigil naman ang mga may dala. At sinabi niya, “Binata, iniuutos ko sayo bumangon ka”. Umupo nga ang patay, at nagpasimulang magsalita. At ibinigay siya ni Hesus sa kanyang ina. Nasindak ang lahat at nagpuri sa Diyos, at sinabi, lumitaw sa natin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Dios ang kanyang bayan. Kaya’t kumalat ang balitang ito tungkol sa kanya, sa buong lupain ng mga Judio, at sa lahat na karatig na lupain.
Pagninilay:
May isang balita akong napanood na isang ina ang ininterview dahil namatay ang kanyang nag-iisang anak na lalaki. Habang pinapanood ko ang interview ay napaluha ako lalo na noong nagtanong ang ina na sino na ang mag-aalaga sa kanya at sino na ang magbibigay ng pambili ng kanyang gamot.
Mga kapanalig/kapatid, sa panahon ng ating Panginoong Hesus, napakahalaga ang mayroong anak na lalaki sa pamilya. Sa patriarchal Jewish society may higit na halaga ang mga lalaki keysa sa mga babae. Kaya nga napakahirap kung ang isang ina ay maiwan ng anak niya. Batid ng ating Panginoong Hesus ang ganitong sitwasyon, kaya muling ibinalik ang buhay ng namatay niyang anak. Hindi lamang pisikal na buhay ang ibinalik sa anak. Binigyan din ni Jesus ng bagong buhay at bagong pag-asa ang kanyang inang nagdadalamhati. Mga kapanalig/mga kapatid, manatili tayong matatag sa anumang sitwasyon lalo na kung dumaraan ang unos sa ating buhay. Lalagi nawa tayong dumalangin at kumapit sa mapagkalingang awa ng Diyos, at dumamay sa kapwang nawawalan na ng pag-asa. Amen.