Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 18, 2023 – LUNES SA IKA-24 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON | San Jose ng Cupertino

BAGONG UMAGA

Isang masigla at puno ng pag-asang araw ng Lunes minamahal kong kapatid kay Kristo.  Ito po muli si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pasalamatan natin ang Diyos sa biyayang magising muli upang mapuspos ng Kanyang pagpapala at pagmamahal.  Ang bawat araw na pinapahiram sa atin ng Diyos panibagong pagkakataon upang lumago sa kabanalan at malasakit.  Katulad ng ipinamalas ng kapitan sa kanyang katulong, sa maririnig nating Ebanghelyo ayon kay San Lukas kabanata pito talata isa hanggang sampu.

EBANGHELYO: Lk 7:1-10

Nang maituro ni Jesus sa mga tao ang lahat ng ito, siya’y pumasok ng Capernaum.  Doo’y may isang kapitang Romano na may aliping mahal sa kanya.  Maysakit ang aliping ito at nasa bingit ng kamatayan.  Nang mabalitaan ng kapitan ang ginagawa ni Jesus, nagpasugo siya ng ilang matatanda sa mga Judio upang ipakiusap kay Jesus na puntahan at pagalingin ang alipin.  Nang Makita nila si Jesus, taimtim silang nakiusap sa kanya. “Siya’y karapat-dapat na pagbigyan ninyo, sapagkat mahal niya ang ating bansa,” wika nila.  “Ipinagpatayo pa niya tayo ng isang sinagoga.”  Kaya’t sumama sa kanila si Jesus.  Nang malapit na siya sa bahay, ipinasalubong siya ng kapitan sa kanyang mga kaibigan at ipinasabi ang ganito:  “Ginoo, huwag na po kayong magpakapagod.  Hindi ako karapat-dapat na puntahan ninyo sa aking tahanan.  Ni hindi rin po alo karapat-dapat na humarap sa inyo.  Ngunit magsalita po lamang kayo at gagaling na ang aking alipin.  Sapagkat ako’y isang taong nasa ilalim ng mga nakatataas na pinuno, at may nasasakupan din po akong mga kawal.  Kung sasabihin ko sa isa, ‘Humayo ka!  Siya’y hahayo; at sa iba, ‘Halika, at siya’y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’  ito’y ginagawa niya.”  Namangha si Jesus nang marinig ito, at humarap sa makapal na taong sumusunod sa kanya.  Sinabi niya, “Kahit sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganito kalaking pananalig.” Pagbalik sa bahay, naratnan ng mga sinugo na magaling na ang alipin.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Kapatid, tiyak ng Kapitang Romano na gagaling ang aliping mahal sa kanya. Kahit hindi siya direktang nakiusap sa ating Hesus Maestro, naganap ang hiling niya. Sabi nga, “Faith is the assurance of things hoped for, the conviction of things not seen.” Nakatitiyak ka na magaganap ang iyong inaasahan, at naniniwala sa mga bagay na hindi mo nakikita. Halimbawa, kahit na nagugutom ka na, ibibigay mo pa rin ang baon mo sa nangangailangan. Nagagawa mo ito dahil alam mong ‘may ibibigay sa iyo ang Diyos’. Bukod pa rito, sa pananampalataya sa Kanya, nakakasulyap tayo ng “beatific vision”. Ito ang moment na bumubukas ang mata ng ating puso habang nangungusap ang Diyos mula sa ating kalungkutan, pagkagutom, paghihirap. Dahil dito pinapag-alab ng Kanyang presensya ang ating kalooban. Manalangin tayo na patatagin ng ating Diyos Ama ang ating pananampalataya, dahil Siya mismo, sa atin, buong pagmamahal na nagtitiwala.