Ebanghelyo: LUCAS 7,31-35
Sinabi ni Jesus: “Ngayon, kanino ko ikukumpara ang mga tao sa kasalukuyan, at sa ano sila katulad? Para silang mga batang nakaupo sa mga plasa, at nagrereklamo ang ilan sa kanila: ‘Tinugtog namin ang plauta para sa inyo at hindi kayo sumayaw, at nang umawit naman kami ng punebre, ayaw naman ninyong umiyak.’ Ganito rin naman ang nangyari. Dumating si Juan Bautista na hindi kumakain ng tinapay ni umiinom ng alak, at ang sabi ninyo’y ‘Nasisiraan siya ng bait!’ Dumating naman ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at sinabi naman ninyong ‘Narito ang taong matakaw at lasenggo, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan.’ Gayon pa ma’y nakilala ng kanyang mga anak ang Karunungan.”
Pagninilay:
Maliban sa choral singing, isa sa mga larangan ng sining na kinakailangan ng pagsasabay-sabay o coordination ay ang pagsayaw. Nakakamangha kapag nagtu-tugma ang ritmo ng pag-indak sa saliw ng musikang kaakibat nito, na siyang nagbibigay ng kakaibang buhay at mas malalim na pagpapakahulugan sa dalawang sining na ito. Ngunit paano kung hindi tugma ang kanta sa sayaw? Paano kaya kung imbis na sumayaw ay tumula, kumanta, o hindi kumilos ang mga mananayaw?
Ganito ang imaheng nais ipinta ng Panginoon sa Mabuting Balita ngayon. Hindi tugma ang tugon ng mga tao sa paanyaya ni Juan Bautista upang magsisi. Gayundin, hindi rin tugma ang naging tugon ng mga tao kay Hesus sa Kanyang pagpapahayag ng Kaharian. Sa madaling sabi, hindi sila makasabay sa indayog ng awitin ng Diyos sa kanila dahil matigas ang kanilang mga puso sa Kanyang mga mumunting grasya at paanyaya.
Mga kapatid/kapanalig, bago tayo matutong sumayaw sa awit, kinakailangan natin matutunang makinig sa awit. Hingin natin ang biyaya ng bukas-loob na pakikinig upang muli nating marinig ang harana ng Diyos sa bawat isa sa atin. Nang sa gayon ay masabayan natin ang pag-awit Niya ng ating pag-indak: mga matang mulat sa katotohanan, mga taingang handang makinig sa kapwa, mga kamay na bukas-palad at mga paang handang pumunta kung saan may higit na pangangailangan. Nawa’y matuto tayong umindak sa awit ng Panginoong dulot sa atin ay galak.