Lk 8:16-18
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “walang nagsisindi ng ilawan at tinatakpan ito ng palayok o inilalagay sa ilalim ng higaan. Ipinapatong ito sa patungan para makita ng mga pumapasok ang mga liwanag. Walang nalilihim na di mabubunyag ni natatakpan na di mahahayag at malalantad. Kaya't isip-isipin ninyo ang inyong naririnig dahil bibigyan pa nga ang mga mayroon at ang walang-wala naman, kahit na ang akala niyang kanya, ay agawin sa kanya.”
REFLECTION
Mga kapatid, ang ulirang halimbawa ni San Januario at mga kasama na ginugunita natin ngayon, malinaw na halimbawa ng ilawan na ipinapatong sa patungan para magbigay liwanag sa iba. Huwaran sila ng malalim na pananampalataya sa Panginoon na handang mag-alay ng buhay alang-alang sa pananampalataya. At iyan din ang panawagan sa atin ng Mabuting Balita. Na sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa magsilbi tayong inspirasyon at huwaran ng ating kapwa. Hindi ito nangangahulugan lamang ng pisikal na pagdanak ng dugo para maging martir. Ang bukas-loob na pagyakap sa ating pang araw-araw na krus, ang ating mga sakripisyo at pagkamatay sa sariling kagustuhan para sa ikabubuti ng iba, ang ating mahabang pagpapasensiya at pagpapatawad sa mga taong nakasakit sa ating damdamin – ito’y pagpapakamartir na walang dugong dumadanak. Mga kapatid, sayang ang liwanag natin kung tatakpan lamang ito at hindi hahayaang makapagbigay ng tanglaw sa iba. Kaya huwag nating itago sa sarili lamang ang kabutihan. Dapat itong ibahagi sa iba upang maging kapaki-pakinabang. Hindi tunay na kabutihan ang kabutihang nakatuon lamang sa sarili. Sa halip, matatawag itong kasakiman. At bilang isang tanglaw na ilawan, kailangan din naman natin ang sapat na langis ng kabutihan upang patuloy tayong makapagbigay ng liwanag sa ating kapwang namumuhay sa kadiliman ng kasalanan. Manalangin tayo. Panginoon, papagningasin Mo po ang apoy ng Banal na Espiritu sa aking puso nang lumago ako sa pagsabuhay ng aking pananampalataya, at sa paggawa ng kabutihan. Magsilbi nawa akong maliwanag na ilawan ng mga kapatid na nadidimlan. Amen.