Daughters of Saint Paul

Setyembre 19, 2017 MARTES sa Ika-24 na Linggo ng Taon

1 Tm 3:1-13 Slm 101:1b-2ab.2cd-3ab Lk 7:11-17

Lk 7:11-17

Pumunta si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain at sinamahan siya ng kanyang mga alagad kasama ang maraming tao. Habang papalapit siya sa pintuan ng bayan, tamang-tama namang inilalabas ang isang patay—ang nag-iisang anak na lalaki ng kanyang ina, at ito'y isang biyuda kaya sinamahan siya ng di kakaunting tao mula sa bayan. Pagkakakita sa kanya, nahabag sa kanya ang Panginoon at sinabi:  “Huwag ka nang umiyak.”  Lumapit siya at hinipo ang kabaong; tumigil naman ang maydala. At sinabi niya:  “Binata, iniuutos ko sa iyo, bumangon ka!”  Umupo nga ang patay at nagsimulang magsalita; at ibinigay siya ni Jesus kanyang ina. Nasindak ang lahat at nagpuri sa Diyos, at sinabi:  “Lumitaw sa atin ang isang dakilang Propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan.”  Kaya't Kumalat ang balitang ito tungkol sa kanya sa buong lupain ng mga Judio at sa lahat ng karatig na lupain.

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, nakasalubong ng Panginoon ang libing ng nag-iisang anak na lalaki ng isang balo.  Nahabag siya sa ina kaya’t binuhay N’ya ang anak nito.  Muling ipinakita at ipinadama sa atin ng tagpong ito, ang pagkamaawain ng Panginoong Jesus.  Tinuturuan N’ya tayo sa pamamagitan ng Kanyang mga halimbawa at ginagawang paglilingkod.  Nababatid ni Jesus ang pangangailangan ng tao at tinutugunan N’ya ito nang buong pagmamahal.  Mga kapatid, bilang mga nagmamahal sa Panginoong Jesus, paano natin matutularan ang Kanyang pagkamahabagin?  Wala tayong kapangyarihang buhayin ang isang patay, at ibalik s’ya sa naghihinagpis niyang pamilya.  Pero may kakayanan tayong ipadama ang ating pagmamahal sa napakarami at simpleng pamamaraan.  Katulad ng paglalaan ng panahong makinig sa isang kaibigang problemado at naghahanap ng mahihingahan ng sama ng loob.  O kaya’y ang pagbibigay ng konting tulong sa taong nangangailangan.  At kahit pa nga ang pagbibigay ng isang basong tubig sa isang pulubing nauuhaw.  Isang gawaing dakila, ang anumang maliit o malaking paglilingkod na ginagampanan natin nang may pagmamahal.  Sa ating pang-araw-araw na buhay, napakaraming paraan para matularan natin ang pagkamaawain ng Panginoong Jesus.  Kailangan lamang nating buksan ang ating puso at mga mata sa mga taong nakapaligid sa atin na naghihintay sa ating atensyon at pagmamahal.  Panginoon, tulungan Mo po akong makita ang paghihirap ng aking kapwa, at makatugon sa abot ng aking makakaya.  Amen.