Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 19, 2021 – IKA -25 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

EBANGHELYO: Mk 9:30-37

Umalis sa bundok si Jesus at ang kanyang mga alagad at nagsimulang dumaan sa Galilea. Gusto niya na walang sinumang makaalam sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad. At sinabi niya sa kanila: “Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila siya ngunit pagkapatay nila sa kanya, babangon siya sa ikatlong araw.” Kaya lubha silang nalungkot. Hindi nila ito naintindihan at hindi rin sila nangahas magtanong sa kanya. Pagdating nila sa Capernaum, nang nasa bahay na siya, tinanong niya sila: “Ano ang pinag-uusapan n’yo sa daan?” At hindi sila umimik; pinagtatalunan nga nila sa daan kung sino ang mas una. Kaya naupo siya at pagkatawag sa Labindalawa ay sinabi sa kanila: “Kung may gustong mauna, maging huli siya sa lahat at lingkod ng lahat.” At pagkakuha niya sa isang maliit na bata, pinatayo ito sa gitna nila at inakbayan at saka sinabi sa kanila: “Tinatanggap ako ng sinumang tumatanggap sa isa sa mga batang ito nang dahil sa aking pangalan. At kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Micha Miguel Competente ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Hindi lahat ng humahadlang sayo, ayaw na sayo. Minsan yung mga taong humahadlang sayo, nagiging hagdan pa para maabot mo ang iyong mga pangarap sa buhay. Isang magandang halimbawa, ang ating mga magulang o kung sinuman ang nag-alaga sayo noong ikaw ay bata pa lamang. Maraming beses pinagbabawalan tayo sa maraming bagay. Maraming beses hinahadlangan nila tayo at hindi pinagbibigyan sa ating mga gusto, at madalas nagagalit pa nga tayo. Pero, hindi ibig sabihin, ayaw nila sa atin. Hindi ibig sabihin, hindi nila tayo mahal. May kasabihan nga tayo, Mother knows best o Father knows best. Alam nila kung ano ang mas nakabubuti para sa atin, lalo na at musmos pa lamang ang ating kaisipan. Wala naman sigurong magulang ang nais mapahamak ang kanilang mga musmos na mga anak.//  Mga kapatid, minsan kailangan din natin ng mga taong humahadlang sa atin, upang mas maging maliwanag at malinis ang ating mga layunin, at upang mas maging matatag tayo sa pag-abot nito. Kahit matanda na tayo, palaging tatandaang tulad pa rin tayo ng isang batang paslit, na nangangailangan ng paggabay at payo sa iba. Ang batang paslit ay simbolo ng kababaang-loob. Sana maging paslit tayo hindi sa pag-iisip kundi sa diwa. (Dahil ang totoong dakila sa kaharian ng Diyos ay hindi ang mga taong may malayo nang narating sa buhay, at maraming nakamit sa buhay, kundi ang mga taong nagpakababa upang maabot ng iba ang kanilang pangarap sa buhay. Maapakan man sila, basta’t ang mahalaga, naging hagdan sila para makamit ng iba ang tagumpay sa buhay.) Maging mapagkumbaba nawa tayo, dahil sa harap ng Diyos tayo ay mga paslit.