Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 19, 2023 – MARTES SA IKA-24 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON | San Januario, obispo at martir

BAGONG UMAGA                                                                                                   

Mapagpalang araw ng Martes minamahal kong kapatid kay Kristo.  Dakilain ang Diyos nating Mapagkalinga at Mapagmahal! Pasalamatan natin Siya sa mga biyayang patuloy Niyang ipinagkakaloob sa atin hanggang sa sandaling ito. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Hilingin natin sa Diyos na pagkalooban tayo ng pusong maawain na handang tumugon sa pangangailangan ng ating kapwa.  Ito ang katangiang ipinakita ng Panginoong Hesus nang Kanyang pagalingin ang binatang anak ng isang balo sa Mabuting Balitang maririnig natin ayon kay San Lukas kabanata pito, talata labing-isa hanggang labimpito.

EBANGHELYO: Lk 7:11-17

Pumunta si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain at sinamahan siya ng kanyang mga alagad kasama ang maraming tao. Habang papalapit siya sa pintuan ng bayan, tamang-tama namang inilalabas ang isang patay—ang nag-iisang anak na lalaki ng kanyang ina, at ito’y isang biyuda kaya sinamahan siya ng di kakaunting tao mula sa bayan. Pagkakakita sa kanya, nahabag sa kanya ang Panginoon at sinabi:  “Huwag ka nang umiyak.”  Lumapit siya at hinipo ang kabaong; tumigil naman ang maydala. At sinabi niya:  “Binata, iniuutos ko sa iyo, bumangon ka!”  Umupo nga ang patay at nagsimulang magsalita; at ibinigay siya ni Jesus kanyang ina. Nasindak ang lahat at nagpuri sa Diyos, at sinabi:  “Lumitaw sa atin ang isang dakilang Propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan.”  Kaya’t Kumalat ang balitang ito tungkol sa kanya sa buong lupain ng mga Judio at sa lahat ng karatig na lupain.

PAGNINILAY

Isinulat ni Cl. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Mga kapatid, hindi po biro ang nangyari sa ginang na tampok sa ating ebanghelyo ngayong araw. Masakit pakinggan na hindi lamang siya balo, pero ulila na din sa pagkamatay ng kanyang anak. Sa isang tagpo, nagkrus ang landas nila ni Hesus. Sinasabi na galing si Hesus noon sa Capernaum matapos pagalingin ang alipin ng Centurion. Kaya nga maraming sumusunod sa kanya. Masaya sila, at nagbubunyi. Pero, pagpasok nila sa Nain, ang sumalubong ay mga taong nagluluksa’t umiiyak. Tama lang ang dating ni Hesus, hindi lamang buhay ng anak ng ginang ang kanyang binuhay! Pati ang patay nang pag-asa ng ginang na mabuhay pa. Kapwa niya ito binigyang buhay, dahilan na ang dalawang nagkasalubong na prusisyon, ay mga taong kapwa nagbubunyi!  Mga kapatid, ganun din minsan sa ating buhay. Maraming pagkakataon dinobol kill tayo ng mga suliranin at unos…pero darating si Hesus. Sa isang kaibigan, Karamay, o mas matiwasay na sitwasyon, o sa mas mabuting bagay… Bubuhayin niya ang patay nating pag-asa. Ipanunumbalik niya ang saya sa ating mga labi at puso. Masasambit din nating…tunay ngang kapiling ng Diyos ang kanyang kawan. Lagi nawa nating pagningasin ang pag-asa sa ating puso. God will surely come right in time. Hindi lamang siya bumibisita pag kailangan natin siya, lagi natin siyang kapiling.