Ebanghelyo: Lc 7:36-50
Inanyayahan si Jesus ng isa sa mga Pariseo na makisalo sa kanya pumasok siya sa bahay ng Pariseo at humilig sa sopa para kumain. Ngayon, may isang babae sa bayang iyon na itinuturing na makasalanan. Nang malaman nito na si Jesus ay nasa hapag sa bahay ng Pariseo, nagdala ito ng pabangong nasa sisidlang alabastro. Tumayo siya sa likuran, sa may paanan ni Jesus at umiyak. Tumulo ang kanyang mga luha sa mga paa ni Jesus at pinunasan niya ng kanyang buhok, at hinagkan at pinahiran ng pabango. Nang makita ito ng Pariseong kumumbida, naisip nito: “Kung Propeta ang taong ito, malalaman niya kung sino ang babaeng ito at anong uri ng tao ang humihipo sa kanya—isa ngang makasalanan!” Ngunit nagsalita sa kanya si Jesus: “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” “Guro, magsalita ka.” “May dalawang may utang sa isang taong nagpapautang. Limandaang salaping pilak ang utang ng isa at limampu naman ang sa isa pa. Ngunit wala silang maibayad, kaya kapwa niya sila pinatawad. Ngayon, sino sa kanila ang magmamahal sa kanya nang higit?” “Sa palagay ko’y ang pinatawad niya ng mas malaki.” “Tama ang hatol mo.” At paglingon niya sa babae, sinabi niya kay Simon: “Nakikita mo ba ang babaeng ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa ngunit binasa niya ng kanyang luha ang aking paa at pinunasan ito ng kanyang buhok. Hindi mo ako hinagkan ngunit mula nang pumasok siya’y wala nang tigil ang kahahalik niya sa aking mga paa. Kaya sinasabi ko sa iyo, pinatatawad na ang marami niyang kasalanan dahil nagmahal siya nang malaki. Ngunit nagmamahal lamang ng kaunti ang pinatatawad ng kaunti.” At sinabi naman ni Jesus sa babae: “Pinatatawad ang iyong mga kasalanan.” At nagsimulang mag-isip ang mga nasa hapag, “At nangangahas ang taong ito na magpatawad ng mga kasalanan.” Ngunit sinabi ni Jesus sa babae: “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya; humayo ka sa kapayapaan.”
Pagninilay:
Ay, napahiya ang Pariseong si Simon. Alam ni Jesus ang iniisip niya eh. Buong pagmamahal na sinabihan ni Jesus ang babaeng hinusgahan ni Simon: “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” Pinarangalan ni Jesus ang babaeng mapagkumbabang lumapit sa kanya. Hindi kailanman binigo ng Panginoon ang sino mang buong-pusong humingi ng tawad sa kanya.
Bukas po, pararangalan sa buong Bicolandia ang isa pang babae – ang Mahal na Ina ng Peñafrancia. Ipagdiriwang ang sandaang anibersaryo ng kanyang Canonical Coronation noong Setyembre 20, 1924. Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang pagpaparangal sa Mahal na Ina na tumalima sa kalooban ng Ama na maging ina ni Jesus.
Hindi naging madali para sa Mahal na Birhen ang mahusgahan ng kanyang mga kamag-anak at kapitbahay. Eh bigla ba namang lumobo ang tiyan niya nang hindi pa ikinakasal.
Maaring hindi rin naunawaan ng Mahal na Ina at ni San Jose ang sagot ni Jesus nang ito’y mawala, “Bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat akong mamalagi sa bahay ng aking Ama?”
Higit sa lahat, lalong hindi naging madali sa Mahal na Ina ang tumayo sa paanan ng Anak niyang nakapako sa krus.
Mga kapanalig/kapatid, marami ang nakakasakit, nakakalito, at nakakapanghina ng ating kalooban. Ngunit sa halimbawa ng babae sa Mabuting Balita
at ng ating Mahal na Ina, walang makakahadlang upang mapagtagumpayan natin
ang anumang hamon ng buhay. Magtiwala at manalig tayo. Walang imposible sa Panginoon.