Daughters of Saint Paul

Setyembre 2, 2016 BIYERNES Ika-22 Linggo ng Karaniwang Panahon / Santa Ingrid ng Sweden

1 Cor 4:1-5 – Slm 37 – Lk 5:33-39

Sinabi ng mga Pariseo at mga guro ng Batas kay Jesus: “Madalas mag-ayuno at may mga panalangin ang mga alagad ni Juan, at gayundin naman ang mga alagad ng Pariseo; kumakain naman at umiinom ang iyo.”  Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi n’yo mapag-aayuno ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo, di ba? Ngunit darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.”

Sinabi pa ni Jesus sa kanila ang isang talinhaga:  “Walang pumuputol ng panagpi mula sa bagong damit at itinatagpi sa lumang damit. Kung hindi’y napupunit na ang mga bago at hindi pa magiging bagay sa lumang damit ang tagping mula sa bago. At wala ring naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung hindi’y sisirain ng bagong alak ang mga lumang sisidlan kaya matatapon ang alak at masisira pati mga sisidlan. Sa halip ay sa mga bagong sisidlan dapat ilagay ang bagong alak. Hindi naman humihingi ng bagong alak ang umiinom ng luma, sinasabi nga niya: ‘Ang luma ang siyang mabuti.’”

REFLECTION

Ang bagong damit o bagong alak na binanggit sa Ebanghelyo tumutukoy sa mga bagong katuruan ng ating Panginoong Jesukristo.  Dala ng Panginoon ang bagong pamamaraan ng pagtuturo at pangangaral.  Kaya bagong utos at bagong aral din ang hatid Niya sa Kanyang pagpapahayag.  Pero hindi matanggap ng mga Judio ang Kanyang pangangaral dahil sa – “luma” pa rin ang kanilang mga puso.  Matatanggap lamang nang ganap ang aral ni Jesus kung babaguhin natin ang mga baluktot at mali nating pananaw.  Mga kapatid, napapanahon din ang panawagang ito sa hinahangad nating pagbabago sa ating bansa. Kung talagang seryoso tayong isulong ang pangmalawakang pagbabago sa ating bansa, kailangang simulan natin ito sa ating sarili, sa ating tahanan, sa ating komunidad o sa opisinang ating pinagtatrabahuhan. Ang pagdisiplina sa sarili kahit sa maliliit na bagay – katulad ng di pagpatay ng oras sa pagfa-facebook sa oras ng trabaho; ang pag-obserba ng batas trapiko kahit walang pulis na nakabantay; ang di pagtatapon ng basura kahit saan-saan – ang ilan lamang simpleng hakbang na dapat nating pairalin para makamtan ang pagbabago.   Ang pagbabago nating hinahangad dapat magsimula sa puso.  Kailangan ang bagong sisidlang puso para matanggap ang bagong katuruan, bagong sistema, bagong pamamalakad tungo sa ganap na pagbabago.  Hilingin natin sa Panginoon na pagkalooban tayo ng bagong sisidlang puso nang matanggap at maisabuhay natin ang mga bagong katuruan ng Panginoon na makakatulong sa pagbabago ng ating sarili, ng ating pamayanan at ng ating bansa.