Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 2, 2023 – SABADO SA IKA-21 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON     

BAGONG UMAGA

Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo!  Dakilain ang Diyos nating Butihin na nagkaloob sa atin ng mga talento at kakayahang dapat nating pagyamanin. (Hindi para sa pansariling kapakanan, kundi para sa mga gawaing paglilingkod, upang ang Diyos ating mapapurihan.)  Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata dalawampu’t lima, talata labing-apat hanggang tatlumpu.  

EBANGHELYO: Mt 25:14-30

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ipagpalagay natin na isang tao, na bago mangibambayan ay tinawag ang kanyang mga katulong at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian. Limang talentong pilak ang ibinigay niya sa una, dalawa naman sa isa pa, at isa sa pangatlo, batay sa kaya ng bawat isa. At saka siya umalis. Agad na ipinagnegosyo ito ng nakatanggap ng limang talento ta kumita ng lima pa. Nagnegosyo rin ang nakatanggap ng dalawa at kumita ng dalawa pa. Humukay naman sa lupa ang may isang talento at itinago ang pilak ng kanyang amo. Pagkaraan ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga katulong na ito at hiningan silang magsulit. Kaya lumapit ang nakatanggap ng limang talento dala ang tinubong lima pang bareta…. Sumagot ang amo: Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito, Halika’t makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon… Sa bandang huli, dumating ang nakatanggap ng isang talento at nagsabi: Panginoon…Natakot ako kaya itinago ng isang talento sa lupa. Heto ang sa iyo. Ngunit sinagot siya ng kanyang amo…Sana’y dinala mo sa bangko ang aking pilak at mababawi ko ang sa akin pati na ang tubo pagdating ko. Kaya kunin ang talento sa kanya at ibinigay ito sa may sampu pa…Para sa walang silbing katulong, itapon siya sa dilim kung saan may iyakan at pangangalit ng ngipin.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Kapatid, tanggapin natin ang narinig nating Mabuting Balita sa ganitong punchline: “Hindi sa kung ano ang meron ka, kundi kung paano mo’ng ginagamit ang nasa iyo na.” Sa ipinagkatiwalang mga talento sa tatlong alipin, maaari natin itong tingnan sa perspektibo ng pagsusulit ng kalooban. May tatlong bagay na dapat isaalang-alang at doon ka makakapasa. Una, Utang na Loob. Sa halagang ibinigay sa iyo, matuto kang tumanaw ng utang na loob. Ikalawa, Kagandahang-loob. Sa nagbigay ng talento, iwasang maging judgmental. Kung mahigpit siya, baka may dahilan siya. Ang mahalaga, nagmamagandang-loob kang tumalima sa niloloob niya.  Ikatlo, Lakas-loob. Isantabi ang takot at mga ligalig.  Maging masigasig. I-push mo ang pagiging mapanlikha.  Tiyak ko na ngayon pa man, natatamo na natin mula sa Mapagkaloob na Ama ang para sa atin.