Lk 8:19-21
Pinuntahan si Jesus ng kanyang ina at mga kapatid pero hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. May nagsabi sa kanya: “Nakatayo sa labas ang iyong ina at mga kapatid, at gusto kang makita.” Sumagot siya at sinabi sa kanila: “Ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at nagsasagawa nito, sila ang aking ina at aking mga kapatid.”
REFLECTION
Malinaw ang mensahe ng Ebanghelyong ating narinig! Hindi nakabatay sa dugo o anumang isinasagawang ritwal ang pagiging kaanak ni Jesus. Bagkus, ang pagtupad sa Salita ng Diyos ang nagbubuklod sa kanila bilang isang pamilya. Ito ang itinataguyod nila sa kanilang buhay at nagpapatatag sa kanilang samahan. Bilang mga binyagang Kristiyano, lahat tayo kabilang sa pamilya ni Jesus, at si Maria ang ating ina. Pero hindi sapat ang pagiging binyagan natin para patunayan ang ugnayang ito. Kailangang makita sa ating buhay pananampalataya at pakikipagkapwa tao ang ugnayang ito. Halimbawa sa ating pamilya paano ba natin naisasabuhay ang panawagan ng Panginoon na magpatawad nang walang hanggan, mahalin ang kapwa gaya ng sarili, at maging sensitibong tugunan ang pangangailangan ng iba. Mga kapatid, si Maria ang huwaran natin sa pagsunod ng Salita ng Diyos, dahil inilalaan niya nang ganap ang sarili sa pagtupad sa kalooban ng Panginoon. Taimtim niyang pinakikinggan ang salita ng Diyos, at pinagninilayan ito sa kanyang puso – kung kaya’t tumitimo. Katulad ng Mahal na Ina malalaman natin ang kalooban ng Diyos, kung maglalaan tayo ng panahong magbasa ng Salita ng Diyos, pag-aralan at pagnilayan ito, at sa sa’ting panalangin hilingin ang basbas ng Banal na Espiritu para maisabuhay ito. At kapag lumago tayo sa pagsabuhay ng salita ng Diyos araw-araw, tiyak na babasbasan Niya na magbunga ang Kanyang Salita nang mabubuting gawain. Ang malinaw na tanda ng pagsabuhay ng Salita ng Diyos, makikita sa araw-araw nating pagsisikap na mabuhay sa paglilingkod at pag-ibig sa isa’t isa. Malasakit at pag-aalala kay Jesus ang dahilan kaya pinuntahan siya ni Maria at ng kanyang mga kapatid. Sa pamamagitan naman ni Jesus ipinahayag ng Diyos ang kanyang walang-hanggang pag-ibig sa sangkatauhan. Panginoon, tulungan Mo po akong maisabuhay ang Iyong banal na Salita at tupdin ang Iyong kalooban. Amen.
