Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 20, 2021 – LUNES SA IKA -25 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 8:16-18

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Walang nagsisindi ng ilawan at tinatakpan ito ng palayok, o inilalagay sa ilalim ng higaan. Ipinapatong ito sa patungan para makita ng mga pumapasok ang liwanag. Walang nalilihim na di mabubunyag, di natatakpan at di mahahayag at malalantad. Kaya’t isip-isipin ninyo ang inyong naririnig dahil bibigyan pa nga ang mayroon at ang walang-wala naman kahit na ang akala n’yang kanya ay aagawin sa kanya.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. VG ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo.  May isang lumang parola o lighthouse na muling inayos at nakatulong muli ito sa pamayanan. Ang liwanag mula rito ay nakatulong sa pagbibigay ng direksyon at pag-asa sa mga naglalakbay. Mga kapatid, ang Mabuting Balita ngayon ay nagpapaalala sa atin na si Hesus ang ating Liwanag. Sinasabi sa Unang sulat ni Juan, kabanata isa talata labinlima (1Juan 1:15) na ang Diyos ay Liwanag. Ang liwanag na ito ay simbolo ng bukang-liwayway, ng mga mabubuting gawa at pag-asa. Siya din ang liwanag na simbolo ng katuwiran at kabutihan, samantala ang kadiliman naman ay sumisimbolo sa kasamaan at kasalanan. Ito ay isang katotohanan na Siya ang liwanag at malinaw ang pagkakaiba nito sa kadiliman. Sa panahon ng pandemya marami sa atin ang nawawalan na ng pag-asa. Mga Kapatid, tayo din ay pwedeng magbigay ng ilaw sa kadiliman sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa. Ang hamon sa atin ngayon ay kung papaano ka, ako, tayo – magiging ilaw sa isa’t-isa? Ang pagiging anak ng Diyos ng Liwanag ay ang pagiging mata, bibig, paa, kamay na makatutulong sa ating kapwa. Ang pagtulong ay hindi nasusukat sa dami ng pera, kundi sa taos pusong pagmamalasakit at pagtulong sa higit na nangangailangan.  Ang maliit na pagkalinga at pagtugon ay malaking bagay upang ang sinag ng liwanag ng pag-asa ay magbigay ng buhay sa nakararami. Ito ang ating misyon sa buhay, sa paglilingkod, pagbibigayan at pagmamahalan. Lumapit tayo kay Hesus at maging ilaw din sana tayo sa bawat isa lalo na ngayong pandemya. 

PANALANGIN:

Panginoong Hesus narito kami. Gawin mo po kaming mga Ilaw at gabay sa mga tao upang makita ka namin sa gitna ng kadilimang dulot ng pandemya. Gawin mo po kaming daan ng Iyong kapayapaan at kaliwanagan sa aming kapwa. Amen.