Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 20, 2023 – MIYERKULES SA IKA-24 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON | San Andres Kim Taegon, pari, San Pablo Chong Hasang, at mga kasama, mga martir

BAGONG UMAGA

Mapayapang araw ng Miyerkules ginigiliw kong kapatid kay Kristo.  Purihin ang mapagmahal nating Diyos sa pagpahiram sa atin ng panibagong buhay at kalakasan, at sa mga biyayang inilaan Niya sa atin para sa araw na ito. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata pito, talata tatlumpu’t isa hanggang tatlumpu’t lima.

EBANGHELYO: Lk 7:31-35

Nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan: “Ngayon, kanino ko ikukumpara ang mga tao sa kasalukuyan, at sa ano sila katulad? Para silang mga batang nakaupo sa mga plasa, at nagrereklamo ang ilan sa kanila: ‘Tinugtog namin ang plauta para sa inyo at hindi kayo sumayaw, at nang umawit naman kami ng punebre, ayaw naman ninyong umiyak.’ Ganito rin naman ang nangyari. Dumating si Juan Bautista na hindi kumakain ng tinapay ni umiinom ng alak, at ang sabi ninyo’y ‘Nasisiraan siya ng bait!’ Dumating naman ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at sinabi naman ninyong ‘Narito ang taong matakaw at lasenggo, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan.’ Gayon pa ma’y nakilala ng kanyang mga anak ang Karunungan.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ang narinig nating Mabuting Balita, nagpapakita ng hindi mabuti o magandang pag-uugali ng mga tao. Marami sa mga ito, taliwas ang ginagawa at hindi naaayon sa kung ano ang sa kanila ay ipinangangaral. Tinugtugan sila ng plawta at hindi sumayaw! Malulungkot na awitin at hindi sila nanangis. Narinig din natin sa pagbasa, na namuhay si Juan Bautista sa pag-aayuno. Hindi kumakain ng tinapay o umiinom ng alak, pero sinabihan siyang inaalihan ng demonyo. Maging ang ating Panginoong Hesus ay hinatulan ding matakaw at naglalasing, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan. Mga kapatid, hindi ba tayo nalalayo sa mga taong tulad ni Juan Bautista? O tulad ng ating Panginoong Hesus, na hinusgahan at pinaratangan ng hindi totoo? Maaaring sa paningin ng iba, ang ginagawa natin ay mabuti, at sa paningin naman ng iba ay masama. Totoo na, “we cannot please everybody.”  Meron, at meron silang sasabihin tungkol sa atin.  Kaya nga marapat lamang na maging malinaw sa atin ang layunin at motibasyon ng ating gawain. Kung sa ating puso at isip ang ating pangangaral ng Salita ng Diyos ay para sa ikauunlad ng ating pagkilala sa ating Panginoong Hesus, harinawang malampasan natin ang anumang pasubok o panlalait sa atin ng ating kapwa. Hindi natatago sa paningin ng Diyos ang ating mabuting gawain, at sa tulong ng Banal na Espiritu ay mabigyan nawa tayo ng karunungan upang mangaral at magpalaganap ng Mabuting Balita. Sikapin nating laging matatag sa ating pananampalataya sa ating Panginoong Hesus.  

PANALANGIN

Panginoong Hesus patuloy kang tumatawag ng mga maglilingkod sa simbahan at sambayanan. Maging bukas nawa ang bawat pamilya sa pagtugon sa banal na gawaing ito. Bigyan Mo po kami ng lakas ng loob sa lahat ng pagkakataon at oras, upang maipagpatuloy ang banal na gawaing ipinagkaloob sa amin. Amen.