Daughters of Saint Paul

Setyembre 21, 2017 HUWEBES sa Ika-24 na Linggo ng Taon / Kapistahan ni San Mateo, Apostol at Ebanghelista

Eph. 4:1-7.11-13 Mt 9:9-13

Mt 9:9-13

Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si  Mateo at sumunod sa kanya. At habang nasa hapag si Jesus sa bahay ni Mateo, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumakaing kasalo ng mga makasalanan at maninigil ng buwis ang inyong guro?” Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Sige, matutuhan sana n’yo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”

PAGNINILAY

Sa pagdiriwang natin ngayon ng kapistahan ni San Mateo, inaanyayahan tayong pagnilayan ang tatlong mahahalagang aspeto ng buhay Kristiyano:  ang pagbabagong-buhay (conversion), ang bokasyon, at ang pangangaral o evangelization.  Ang talambuhay ni Mateo, isang halimbawa ng madramang pagbabagong-buhay.  Isa siyang maniningil ng buwis.  At sa panahon ni Jesus mababa ang tingin ng mga tao sa maniningil ng buwis.  Dahil sinasamantala nila ang mga tao para sa personal na pagpapayaman.  Iniwan ni Mateo ang ganitong uri ng buhay upang sumunod sa Panginoon. Ang agarang pagtugon ni Mateo, isa ring halimbawa ng bokasyon.  Nagdesisyon siyang talikdan ang dating masamang hanapbuhay para maisagawa ang misyong ipangaral ang Mabuting Balita ng Panginoong Jesukristo.  Bawat isa sa atin may kanya-kanyang bokasyon, may gawaing dapat gampanan sa buhay. Ang pag-papari o pagmamadre, ang pag-aasawa, o pananatiling walang asawa para maglingkod sa pamilya at simbahan – mga bokasyong itinalaga ng Panginoon na mapagpipilian natin, upang makatugon ng lubos sa tawag ng pagmamahal.  Lahat ng bokasyong ito kaaya-aya sa mata ng Diyos.  Alinman ang piliin natin – maaring maging daan para mamuhay ng banal at puspos ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa.  Ito   ang misyong nakakabit sa ating pagiging binyagan sa tubig at Espiritu – ang magmahal at magpakabanal.  Mga kapatid, si San Mateo ang huwaran natin sa pagsunod sa Panginoon.  Isa siyang makasalanan, katulad nating lahat – pero hindi ito naging hadlang para hindi siya tumugon sa paanyaya ng Diyos.  Magbigay nawa ito sa atin ng pag-asa at inspirasyon na gaano man tayo kasama o makasalanan– naparito ang Panginoon para sa atin, handang magpatawad.  Kailangan lamang nating lumapit sa Kanya at buong pakumbabang aminin at pagsisihan ang ating mga kasalanan.