Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 21, 2019 – SABADO SA IKA-24 NA LINGGO NG TAON | Kapistahan ni San Mateo, apostol

EBANGHELYO:  MATEO 9:9-13

Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si  Mateo at sumunod sa kanya. At habang nasa hapag si Jesus sa bahay ni Mateo, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumaking kasalo ng mga makasalanan at maninigil ng buwis ang inyong guro?” Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Sige, matutuhan sana n’yo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”

PAGNINILAY:

Ang kapistahan ni San Mateo, katulad ng kapistahan ng iba pang mga banal ng Iglesya, higit na parangal sa kagandahang-loob ng Diyos sa katauhan ng Kanyang Anak na si Jesus.  Sa totoo lang walang malinaw na binanggit sa Ebanghelyo na katangian ni Mateo na masasabing dahilan sa pagpili sa Kanya ni Jesus.  Bilang maniningil ng buwis, inihahanay siya sa mga makasalanan.  Sa mata ng mga Judio, isa siyang traydor na nagpagamit sa banyagang mananakop.  Nang dumating si Jesus at inanyayahan siyang sumunod, hindi na siya nagdalawang-isip pa.  Iniwan niya ang lahat at sumunod kay Jesus.  Si Mateo ang sumulat ng pinakamahabang Ebanghelyo na mayroong dalawampu’t walong kabanata.  Sa kanyang ebanghelyo ipinakita niya na si Jesus ang bagong Moises, ang magbibigay ng bagong utos.  Si Jesus ang kaganapan ng Lumang Tipan at mga propesiya noong unang panahon.  Kay Jesus magaganap ang Bagong Tipan sa bagong bayan ng Diyos.  Mga kapanalig, anong aral ang mapupulot natin sa pagtawag ng Panginoong Jesus kay Mateo. Una, kahit makasalanan tayo maaari tayong gamitin ng Panginoon para sa Kanyang misyon.  Hindi alintana ng Panginoon ang mga kasalanan natin sa nakalipas. Ang mahalaga ang kasalukuyan at ang pagnanais nating magbago sa tulong Niya.  Pero, katulad ni Mateo kinakailangan ang ating agarang pagtugon sa Kanyang paanyaya na sumunod.  Ikalawa, ang pagdalang-habag ng Panginoon sa mga makasalanan, patunay na hindi Siya naparito para sa mabubuti, o para husgahan ang mga makasalanan; kundi para hilumin ang mga makasalanan sa kanilang espiritwal na karamdaman at maibalik sa Diyos.  Ikatlo, pinapaalalahanan tayo na gaano man kalaki ang ating kasalananan – hindi nawawalan nang pag-asa ang Panginoon na may kakayahan tayong magbago kung gugustuhin natin, at siyempre, sa tulong na rin ng Kanyang Banal na Espiritu.  Amen. –Sr. Lines Salazar, fsp