Daughters of Saint Paul

Setyembre 21, 2024 – Sabado | Kapistahan ni Apostol San Mateo, manunulat ng Mabuting Balita

Ebanghelyo: Mateo 9, 9-13

Sa paglalakad ni Hesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si Mateo at sinundan s’ya. At habang nasa hapag si Hesus sa bahay ni Mateo, maraming taga-singil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Hesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumaking kasama ng mga makasalanan at maninigil ng buwis ang inyong guro?” Nang marinig ito ni Hesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga may sakit! Sige, matutunan sana ninyo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”

Pagninilay:

Noong panahon ni Jesus, inakala ng mga Pariseo na banal sila dahil literal nilang sinusunod ang batas. Dalisay din sila dahil tapat sila sa ritwal ng paglilinis. Hindi sila nakikihalubilo sa mga makasalanan tulad ng mga maniningil ng buwis para hindi sila mahawa.

Si Mateo ay isang maniningil ng buwis, isang propesyong corrupt at minamaliit ng mga Israelita dahil naglilingkod siya sa mga Romanong nang-aapi. Hinahamak sa lipunan ang mga maniningil ng buwis kaya’t mababa ang pagpapahalaga nila sa kanilang sarili.

Ang misyon ni Jesus ay tipunin ang mga makasalanan pabalik sa kawan. Naparito Siya upang pagalingin ang ating pisikal, emosyonal at espirituwal na mga karamdaman, at upang ibalik ang ating dignidad at gawin tayong ganap.

Sapat na bang magdiwang ng misa araw-araw para maging mabuting Kristiyano?  Hindi natin dapat kalimutan na mahalagang ibigin ang ating mga kapatid, maging mahabagin sa mga bilanggo, sa mga prostitute, sa mga dukha at mga mangmang. Kailangan nating tanggapin at irespeto ang ibang tao kung sino man sila. Dapat tayong maging mapagpakumbaba at handang magpatawad ng ating kapwa. Magkaroon nawa tayo ng kamalayan na lahat tayo ay makasalanan at nangangailangan ng tulong ng Diyos.

Tularan nawa natin si Mateo na nakinig at tumugon sa tawag ni Jesus at sumunod sa Kanya. Pinagbago siya ng kapangyarihan ng Diyos – mula sa isang maniningil ng buwis ay naging isa siyang ebanghelista.