EBANGHELYO: Lk 9:1-6
Tinawag ni Jesus ang Labindalawa at binigyan sila ng lakas – kapangyarihan para supilin ang lahat ng demonyo at magpagaling ng mga sakit. Sinugo niya sila para ipahayag ang Kaharian ng Diyos at magbigay-lunas. Sinabi niya sa kanila: “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglakad, ni tungkod, ni supot, ni tinapay, ni salapi; huwag kayong magkaroon ng tigalawang bihisan. Sa alinmang bahay kayo makituloy, doon kayo tumigil hanggang sa pag-alis ninyo. Kung may hindi tatanggap sa inyo, umalis kayo sa bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal laban sa kanila.” Kaya nga lumabas sila at dumaan sa lahat ng bayan na nangangaral at nagpapagaling saanman.
PAGNINILAY
Isinulat ni Cleric Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Ang malawakang panawagan po ng ating Santo Papa Francisco ay ang Encounter at Dialogue. Ang dalawang gawaing ito ay mahalaga sa pagmimisyon. Sa narinig nating Ebanghelyo, isinugo ni Hesus ang kanyang mga disipulo upang magmisyon. Pero, ang mahigpit niyang bilin ay TRAVEL LIGHT. Huwag na kayong magdala ng kung anu-ano pa sa misyon, dalhin lamang ang sarili at mga bagay na talagang kailangan. Magandang balikan ang Ebanghelyong ito bilang paalala po sa atin lalong-lalo na ngayong panahon ng Konsumerismo— Add to cart doon, Add to cart dito…Dalawang bagay marahil ang gustong bigyang diin ni Hesus: Una: Bago ang lahat, marapat lamang na bitbit natin si Hesus. Sa buhay natin, kailangan madama at makita siya bago mapansin ang mararangya nating kasuotan at anik-anik sa buhay. Hindi naman nakakapogi o nakakaganda ang brand ng damit o dami ng pulseras nating suot—kung tayo naman ay nakasimangot at galit sa mundo. Sana masalamin natin sa ating pagkatao si Hesus. Ikalawa: Ibahagi walang iba kundi si Hesus. Sa gawain ng Encounter at Dialogue, hindi natin ibibida ang sarili, si Hesus dapat—ang kanyang mga gawa at salita. Wala naman po tayong dadalhin pag tayo’y tumawid na sa kabila. Sana lang po, kung ang tingin natin sa ating buong buhay dito sa mundo ay pagmimisyon—huwag nating kalimutan na dalhin at ibahagi si Hesus sa lahat nating gagawin.