Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 22, 2023 – BIYERNES SA IKA-24 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON  

BAGONG UMAGA

Magandang-magandang araw ng Biyernes minamahal kong kapatid kay Kristo.  Pasalamatan natin ang Diyos sa bagong araw, bagong buhay at bagong pag-asang itinanim Niya sa ating puso.  Muli, ihabilin natin sa Kanya ang buong maghapon at hilinging pangunahan tayo sa pagtupad ng ating mga tungkulin at sa mga gagawin nating pagdedesisyon.  Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Panawagang makibahagi sa misyon ng Panginoon, anuman ang estado natin sa buhay ang hamon ng Mabuting Balitang maririnig natin ayon kay San Lukas kabanata walo, talata isa hanggang tatlo. 

EBANGHELYO: Lk 8:1-3

Naglibot si Jesus sa bawat lunsod at bayan na nangangaral at ibinabalita ang Kaharian ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa at ilang mga babae na pinagaling sa masasamang espiritu at mga karamdaman: si Maria na tinaguriang Magdalena, na nilisan ng pitong demonyo, si Juana na asawa ni Kusa na katiwala ni Herodes, at si Susana at iba pang naglilingkod sa kanila mula sa kanilang kaya.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Mga kapatid,napakinggan mo ba ang tinig ni Hesus? Halina, at sumunod ka sa akin, wika niya. Tayong lahat ay tinawag ni Hesus na sumunod sa kanya upang magpahayag ng mabuting balita ng kaligtasan. Magkakaiba man ang estado natin sa buhay, pari ka man o madre, may asawa o single, babae o lalaki, lahat tayo’y tinawag ni Hesus na sumunod sa kanyang mga yapak upang ipahayag ang Salita ng Diyos sa bawat tao. // Sa Mabuting Balita ngayong araw na ito, hindi lamang ang labindalawang alagad ang kasama ni Hesus. Meron din siyang kasamang mga babae na tagasunod niya. Nabanggit ang pangalan ni Maria Magdalena, ni Joanna at Susanna, at marami pang iba. At binabanggit din sa ebanghelyo kung anong uri ng pagpapahayag ang ginagawa nila. Sila ay naglilingkod kay Hesus at sa labindalawang alagad sa pamamagitan ng pagbahagi ng mga ari-arian nila. Ang ibig sabihin, sila ang tumutustos sa mga pangangailangan ng mga nagpapahayag ng Mabuting Balita. Ang kanilang paglilingkod ay pakikiisa sa misyon ni Hesus at ng mga alagad. Sa panahon natin ngayon, sila ang ating tinatawag na mga Cooperators o collaborators sa pagpapahayag ng Mabuting Balita. Napakalaki ng kanilang bahagi sa misyon ng ebanghelisasyon ng bawat relihiyosong Institusyon ng Simbahan. Ang kanilang mga panalangin, pinansiyal na suporta, at tulong ay malaking ambag upang mapalawak ng Simbahan ang paglalaganap ng Mabuting Balita. // Kapatid, isa kang mahalagang bahagi sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita. Huwag mong ipagkait ang tulong na maibibigay mo. Ikaw, ako, tayong lahat, saan man tayo naroroon o anumang estado ng buhay natin ngayon, ay tinatawag ni Hesus, halika sumunod ka sa akin. 

PANALANGIN

Panginoon, salamat po sa pagtawag sa akin na maging kaisa Mo sa misyon ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita. Hindi man po ako karapatdapat dahil sa aking mga kahinaan at pagkukulang, pero dahil sa’yong grasya minarapat Mo akong maging katuwang sa Iyong misyon.  Kasihan Mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu upang makatugon ako sa araw-araw na pagtawag Mo, Amen.