Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 23, 2021 – HUWEBES SA IKA -25 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 9:7-9

Nabalitaan ng tetrarkang si Herodes ang lahat ng pangyayari at litung-lito siya dahil may nagsasabing nabuhay mula sa mga patay si Juan. Sinabi naman ng iba na nagpakita si Elias, at nang iba pa na isa sa Mga Propeta noon ang bumangon. At sinabi ni Herodes: “Pinapugutan ko si Juan; sino nga kaya itong nababalitaan kong gumagawa ng mga iyon?” Kaya sinikap niyang makita si s’ya.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Lulu Pechuela, miyembro ng Association of Pauline Cooperators ng Daughters of St. Paul, Pasay, ang pagninilay sa ebanghelyo. Nabalisa si Herodes.// Noong bata pa ako, kapag galit na galit ang lola ko, naririnig kong tinatawag niyang Herodes ang kinagagalitan niya. Noon kasi, para tawagin kang Herodes, napakalaki nang pagkakasala mo.// Kilala natin si Herodes bilang makapangyarihang pinuno, na pinakasalan si Herodias, na asawa ng kapatid niyang si Felipe. Alam niyang mali ito, pero lantarang ginawa pa rin niya, kahit na harap-harapang pinagsasabihan siya ni Juan Bautista. Siya din ang nagpapapatay kay Juan Bautista, dahil sa takot niyang makita ng mga nakapaligid sa kanya ang kanyang kahinaan.// Ang pagkabalisa niya sa Mabuting Balita ay masasabi nating nag-uugat sa takot. Paano kung totoong nabuhay nga si Juan Bautista upang maghiganti sa kanya? Kaya ninais niyang makita si Hesus upang makapaghandang ipagtanggol ang kanyang sarili.// Mga kapatid, ang pagkabalisa ay isang uri nang emosyon na nag-uugat sa takot sa nakaambang panganib o sa   sitwasyong wala tayong kontrol. Tayo man ay nababalisa din lalo na ngayong panahon ng pandemya.  Hindi tayo mapakali hangga’t di natin nahahawakan ang resulta ng ating swab test… Hindi tayo mapanatag hangga’t hindi nakakauwi ang ating mga mahal sa buhay, lalo na kung malakas ang ulan o may kaguluhan sa daan. Hindi tayo makatulog kapag may nagawa tayong mali; hindi pa man ay nag-iisip na tayo nang mga “palusot” upang makaiwas sa kahihiyan.// Alam ng Panginoong Hesus na marami tayong kinakaharap na pagsubok sa buhay kaya nga makailang ulit niyang sinabi:  Pumanatag kayo. Huwag kayong mabalisa… huwag matakot, Ako ito!  Panghawakan natin ito mga kapatid… kumapit tayo sa Kanya lalo na sa harap ng nag-aambang panganib, o mga suliraning di natin kayang pasaning mag-isa o mga kaganapang hindi natin makokontrol. 

PANALANGIN

Panginoon, tulungan mo po kami, hawakan mo ang aming mga kamay upang hindi kami madala ng agos ng buhay at maging alipin ng pagkabalisa, pangamba o takot.  Lagi nawa kaming tumahak sa tamang landas sa lilim ng pangkalinga ng Banal na Espiritu upang mabuhay kaming panatag at karapatdapat sa pagpapala mo, AMEN.