Ebanghelyo: Lucas 8, 16-18
Sinabi ni Hesus sa mga tao: “Walang nagsisindi ng ilawan at tinatakpan ito ng palayok, o inilalagay sa ilalim ng higaan. Ipinapatong ito sa patungan para makita ng mga pumapasok ang liwanag. Walang nalilihim na di mabubunyag, di natatakpan at di mahahayag at malalantad. Kaya’t isip-isipin ninyo ang inyong naririnig dahil bibigyan pa nga ang mayroon at ang walang-wala naman kahit na ang akala n’yang kanya ay aagawin sa kanya.
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Yolanda Dionisio ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay.
Alamin natin na noong nagsisimula pa lamang ang Kristiyanismo at ang Simbahan, ang tawag nila sa binyag ay enlightenment o kaliwanagan. Kaya sa binyag ang kandilang may sindi ay tanda na binigyan ang bata o ang bininyagan ng Liwanag ng Diyos. Ang Liwanag ng Espiritu Santo. Hindi ito namamatay o natatakpan. Kapag tinakpan natin ang Liwanag na ito, hindi tayo tunay na Kristiyano.
Katulad ng mga Judio, alam natin na ang Liwanag ay expression ng panloob na kagandahan, ng katotohanan, at kabutihan ng Diyos. Ang grasya ng Diyos ay hindi lamang tumatanglaw kung madilim ang ating pinagdaraanan sa buhay, pinupuno din tayo ng spiritual light, ng tuwa at ng kapayapaan. Kung may mga problema nga tayo, higit tayong kumakapit sa liwanag ng Espiritu Santo, sa kanya tayo humihingi ng lakas, gabay at pag-asa. Sa patuloy nating paglaban sa buhay, tinatanong tayo ng iba kung paano tayo nagiging matatag. Nakikita nila ang Liwanag sa ating buhay, kasi nga hindi maitatago ang ilaw na ito ng Espiritu Santo.
Sabi nga sa Ebanghelyo “inilalagay ang ilawan sa talagang patungan upang magkaroon ng liwanag para sa mga pumapasok sa bahay.” Ang ating Liwanag ay tatanglaw at aakay din sa iba, sa ating pamilya, mga kaibigan at sa iba pa nating nakakasama. Nakikita ito sa ating buhay, salita at gawa.
Inaanyayahan tayo ng Santo Papa Francesco, “tayong lahat na tumanggap ng Binyag” na manalangin sa Banal na Espiritu na “tulungan tayong huwag mahulog sa masasamang ugali, na tumatakip sa liwanag, na tulungan niya tayo na mabuhay sa liwanag ng Diyos na gumagawa ng napakaraming kabutihan: ang liwanag ng pagkakaibigan, ng kaamuan, ng pananampalataya, ng pag-asa, ng pagtitiis, at ng kabutihan”. Tayong lahat ay may misyon na maging tagapagdala ng liwanag ni Kristo upang makita na iba ang katotohanan ng ebanghelyo.